Chloe

Chloe, na-starstruck kay Jaclyn

July 5, 2022 Ian F. Fariñas 443 views

Jacklyn

NA-STARSTRUCK kay Jaclyn Jose si Chloe Barreto, ang bida sa pinakabagong Vivamax Original Movie na Tahan na mapapanood na via streaming simula July 22.

Sa virtual mediacon kahapon ng pelikula na dinirek ni Bobby Bonifacio Jr., ikinuwento ng sexy star na sobrang kabado siya nang kunan ang unang eksena nilang magkasama ni Jaclyn.

Inulit ni Chloe ang sinabi noon sa storycon ng Tahan na sobrang idolo niya ang Cannes International Film Festival best actress kaya naman hindi raw siya makapagsalita at talagang dinaga ang dibdib nang makaharap niya ito sa set.

Buti na lang daw at sobrang bait ni Jaclyn na hinalikan pa siya sa noo para lang kumalma siya at mapalagay sa pagtatrabaho nila.

“Ang bait-bait po ni Miss Jaclyn. Thank you po,” sambit pa ni Chloe sa veteran co-star.

Si Jaclyn naman, pulos papuri ang ibinigay sa baguhang artista.

Aniya, napakatahimik at napakabait nito, very welcoming at makikita mo na talagang gustong matuto.

Bumilib daw siya kay Chloe dahil sobrang quiet at focused sa trabaho.

Given the chance, wish niya na muling makatrabaho ang lahat ng nakasama sa Tahan.

Banggit pa ng multi-awarded actress, minsan din siyang naging baguhan sa showbiz so alam niya ang pinagdaraanan nito.

Kaya naman naipangako niya sa sarili na tutulong siya at susuporta sa anumang paraang makakaya niya sa mga baguhang tulad ni Chloe.

Rason pa ni Jaclyn, ang mga bagitong gaya ng kanyang Tahan co-star ang maaaring magmana at magpatuloy sa mga nasimulan ng mga tulad niya sa larangan ng pag-arte.

Mas mabuti na tulungan silang maka-cope sa demands ng trabaho sa set para maihanda sila sa pagtutuloy ng kinang at sigla ng industriya ng pelikulang Pinoy.

Anyway, mag-ina ang papel na ginagampanan nina Jaclyn at Chloe sa Tahan.

Ayon kay Jaclyn, very challenging talaga ang role ni Chloe rito pero sa tulong ni Direk Bobby, eh, nabigyan nito ng justice ang papel ni Elise, anak ng karakter niyang si Nora, na bata pa lamang ay itinulak na ng sarili ina sa pagiging high-end escort girl.

Kasama rin nila sa nasabing sexy drama-thriller ang isa pang magaling na aktor, si JC Santos, bilang si Marcus, ang high school sweetheart ni Elise na gagawin ang lahat para lang hindi na siya (Elise) muli pang mawala sa kanya.

Mula sa panulat ng kaibigan ni Chloe na si Quinn Carillo, ang Tahan ay mapapanood sa Vivamax simula July 22.

AUTHOR PROFILE