Default Thumbnail

Chinese nat’l tiklo sa pambu-bully, estafa sa kababayan

March 20, 2023 Edd Reyes 185 views

HINDI na tumupad sa kanilang kasunduan ay binulyawan at kinutya pa umano ng isang Chinese national ang kanyang kababayan na dahilan upang arestuhin siya ng pulisya Linggo ng tanghali sa Parañaque City.

Kasong estafa at unjust vexation ang isinampa ng biktimang si Xianglong Zeng, 32, sa kanyang kababayang si Haoyi Li, 34, matapos hindi tumupad sa kanilang kasunduan na papalitan ng Renminbi (RMB) o Chinese Yuan ng suspek ang P600,000 niyang cash sa pamamagitan ng online fund transfer o sa kanyang Alipay account.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kriby John Kraft, nagkasundo ang dalawang dayuhan sa palitan nila ng salapi sa loob ng Solaire Resort and Casino sa No. 1 Asean Avenue, Entertainment City, Bgy. Tambo, bago mag alas-12 ng tanghali.

Gayunman, nang tanungin ni Zeng ang kababayan kung nai-transfer na ang 75,000 RMB sa kanyang account o sa online fund transfer matapos niyang ibigay ang P.6 milyong cash, nagalit ang suspek at pinagsisigawan pa umano ang kababayan.

Hindi pa nasiyahan, kinutya, at ilang ulit na binundol-bundol ng kanyang katawan ang mas maliit sa kanyang kababayan, na nakatawag pansin na sa mga security personnel ng Solaire Resort.

Dahil hindi pa rin nagkasundo, dinala na ng mga security officers sa Tambo Police Sub-Station ang dalawa na dahilan upang arestuhin ang suspek matapos ireklamo ng kababayan.

AUTHOR PROFILE