Default Thumbnail

Boxing match ng 2 pulitiko sa Camarines Sur. inaabangan

August 2, 2023 Edd Reyes 382 views

Edd ReyesHINDI lang pala mga Bicolano ang nag-aabang sa boxing match nina Camarines Sur 2nd District Rep Luis Raymund “LRay” Villafuerte at Mayor ng San Fernando CamSur Fermin Mabulo, kundi maging ang mga mamamayan sa labas ng Bicol Region.

Tinanggap kasi ng alkalde ang hamon umano ng kongresista na daanin na lang nila sa boksing ang kanilang alitan na may kaugnayan sa pulitika sa naturang lalawigan sa halip na magsiraan at magbatuhan ng putik.

Kaya lang, may kondisyon pala si Mayor Mabulo na gawin nilang fund raising event ang kanilang boksing na nais niyang ganapin sa Jessie Robredo Coliseum sa Naga City at ang kikitain ay gamitin daw sa mga provincial scholars na tinanggal daw dahil hindi bumoto sa mga anak ng kongresista ang magulang at pamilya ng mga ito.

Kapag ganyang may kondisyon, baka hindi sumang-ayon si Rep. Villafuerte dahil baka lumabas na parang inamin niya na tinanggal nga sa listahan ang mga provincial scholars dahil hindi ibinoto ng kanilang mga magulang at kaanak ang kanyang anak.

Dalawang anak kasi ni Rep. LRay ang nakaupo sa puwesto, kabilang si Vincenzo Renato Luigi na kasalukuyang gobernadora at Miguel Luis na kinatawan naman ng ika-limang distrito.

Naalala ko tuloy ang nakalagay sa biography ni dating Manila Mayor Arsenio Lacson nang maghamunan sila ng suntukan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong kapuwa pa sila mambabatas na kalaunan ay drama lang pala nila at pinasakay lang ang kanilang mga kapuwa mambabatas.

Maging si Rep. Arnie Teves ay napaulat ding hinamon ng suntukan ang napaslang na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo pati na ang namayapang si dating Budget Secretary Nonoy Andaya na hinamon din noon si Rep. LRay kaya hindi na bago sa magkakalaban sa pulitika ang maghamunan at dahil wala pang napaulat na may natuloy sa pagsusuntukan, marami ang nag-aabang kung matutuloy ang pinakahuling hamunan ng dalawang magkalabang pulitiko.

Tiangco brothers, nakopo ang mataas na trust at approval rating

MALIIT na lungsod lamang ang Navotas pero hindi talaga nakukuha sa lawak ng lupain o dami ng populasyon ang pag-unlad ng isang siyudad kundi sa mahusay na pamumuno.

Tinalo na kasi ng Navotas City ang ilang mga lungsod sa ilang panig ng kapuluan na mas malaki at mas nauna pang naging siyudad dahil sa mahusay na pamumuno ng mga opisyal.

Katunayan, nakopo ni Navotas Rep Toby Tiangco ang unang puwesto sa survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. matapos makapagtala ng 93.8% approval rating at 95.1 trust rating sa Boses ng Bayan poll para sa Top Performing Metro Manila.

Ang kapatid naman ni Cong. Tiangco na si Mayor John Rey Tiangco ay nakakuha ng 92.1% approval at 93.5% trust ratings kaya’t nasa pangalawa siya sa kategorya sa naturang survey.

Nagpasalamat si Rep. Toby Tiango sa patuloy na suporta at tiwala sa kanya ng mga Navoteños at tiniyak na itutulak niya ang mga proyekto, panukala at iba pang serbisyo tulad ng medical assistance, TUPAD at pagbibigay ng guarantee letters sa mga ospital ng pamahalaan para na rin sa mga nakararami at maitaguyod ang kanilang kapakanan.

Ganito rin ang naging pahayag ni Mayor John Rey Tiangco at idinugtong na karapat-dapat lang aniya na ipagkaloob sa kanilang mamamayan ang epektibong pamumuno at pamahalaang may pananagutan upang maging matagumpay ang layuning mabigyan sila ng maayos na pamumuhay.

Ang Boses ng Bayan poll ay isinagawa mula Hunyo 28 hanggang Hulyo 8, 2023 kung saan umabot ng 10,000 ang piling botante ang lumahok sa pagsagot sa tanong.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE