Default Thumbnail

Yehey, tuloy ang ligaya sa QC!

August 2, 2023 Allan L. Encarnacion 189 views

Allan EncarnacionISA ako sa maagap magbayad ng land tax or amilyar sa Quezon City.

Taun-taon, naging ugali ko nang magbayad ng buwis ng lupa’t bahay kahit kabubungad po lang ng Enero ng taon. Una, magandang simulan ang taon na nagbabawas ka ng mga obligasyon kahit pakonti-konti. Pangalawa, hindi pa crowded ang city hall dahil walang makakasabay na bulto ng mga tax payers. Kunsabagay, maayos ang sistema ng bayaran sa lungsod kaya wala ring problema sa kahit anong panahon.

At ang higit sa lahat ay nakakakuha ako ng 20% discount kapag maaga akong nagbabayad ng amilyar sa aking mga lupa.

Kaya nga wala akong problema sa bagong ordinansang ipatutupad ng QC government na nagtatakda na ang may 20% discount ay iyong mga early birds o iyong mga maagap magbayad.

Sa inaprubahang ordinasa ng konseho na nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte, ang mabibigyan ng 20% discount ay ang magbabayad nang buo on or before mag-December 31 ng kasalukuyan or current year.

Iyong mga magbabayad naman mula January hanggang March ay may 10% discount pa rin. Not bad. Iyong mga magbabayad ng Abril onwards, aba’y natural lang na wala na kayong discount na tulad naming mga mabilis magbayad!

Ibig sabihin nito, walang pagbabago sa diskuwento para sa mga maagap magbayad na katulad ko. Ang gagawin ko lang naman ay Disyembre ko na babayaran sa halip na January.

Sa isang banda, ganado naman tayo magbayad ng buwis sa QC dahil makailang beses naman na silang nabigyan ng unqualified opinion ng Commission on Audit o CoA. Pinakamataas na parangal ito ng state auditor na ang kahulugan ay masinop na nagagamit ng pamahalaang lokal ang buwis na ibinabayad ng mamamayan.

Kaya naman hindi tayo nagtataka kung bakit ang QC ang richest city sa buong bansa dahil sa maayos na pamamahala ni Mayor Joy sa kaban ng lungsod.

Mabigat kaya sa loob ang magbayad ka ng buwis tapos ninanakaw lang pala ng pamahalaang-lokal.

Kaya ang panawagan natin sa mga property owners, walang dapat ikabahala sa bagong ordinansang ito dahil karaniwan naman bago pa sumapit ang bayaran ng amilyar ay inihahanda na natin ang pondo para rito. Naroon pa rin ang discount, hindi nawala.

Ang gagawin lang natin ay paagahin ng isang buwan ang pagbabayad para makakuha tayo ng malaking diskuwento.

Malaking bagay ang 10% or 20% discount dahil magagamit pa natin ang pera sa ibang gastusin natin.

Yehey, tuloy ang ligaya sa QC!

[email protected]