Bong Go

Bong Go: Pumunta kayo sa Mindanao, kayo ang humusga

June 9, 2022 People's Journal 117 views

Ukol sa peace and security

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang administrasyong Duterte sa matigas nitong paninindigan laban sa kriminalidad, insurhensiya at ilegal na droga na nag-ambag sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Sa isang ambush interview matapos ang kanyang personal na pagbisita sa mga residente ng Banaybanay, Davao Oriental, sinabi ni Go na habang nananatili ang ilang hamon, lubos namang napabuti ng administrasyong Duterte ang estado ng kapayapaan at kaayusan sa Mindanao at sa buong bansa.

“See for yourself. Noong panahon na ni Pangulong (Rodrigo) Duterte bagama’t hindi naman po perpekto ito, pero napatunayan naman po na halos nakakamtan po natin ang kapayapaan dito sa Mindanao,” sabi ni Go bilang sagot sa kritisismo ni journalist Raissa Robles ukol sa plano ng Department of Tourism na i-develop ang Mindanao bilang tourist spot.

“Insurgency, nasa mababa na talaga ang numero. Marahil mayroong mga pumutok pero mas nababawasan dahil talagang pinagsikapan ni Pangulong Duterte. Kung hindi niya tinapos ‘yung giyera sa Marawi marahil po’y delikado tayo, mas marami pong mga masasamang elemento ang nakakalat,” idiniin ni Go.

Sa kabila ng patuloy na pandemya, binanggit niya na ang mga pagsisikap na lutasin ang mga lokal na salungatan at tugunan ang mga pangunahing sanhi ng mga insurhensiya tulad ng gutom at kahirapan ay nagpapatuloy.

“Talagang pinagsikapan po ng gobyerno. Ang Duterte administration did their very best po para bumaba ang numero ng kriminalidad at kidnapping dito sa Mindanao,” ani Go.

“So nasa tao na po, punta na lang kayo dito sa Mindanao, tingnan niyo po kung nakakalakad ba kayo sa gabi at pakiramdam ninyo mas safe at hindi kayo naki-kidnap, hindi kayo nababastos,” idinagdag niya.

Bilang isang Mindanaoan mismo, inilarawan ni Go ang pinabuting kapayapaan at kaayusan sa rehiyon at sinabing ang mga residente ay maaari na ngayong malayang mamasyal sa mga lansangan nang mas ligtas kaysa dati. Inanyayahan din niya ang mga kritiko na pumunta sa rehiyon at makita mismo ito.

“Kami pong mga taga-Mindanao proud po kami bilang Mindanaoan dahil sa ginawa ni Pangulong Duterte ang lahat. Nakalalakad tayo sa gabi na hindi tayo takot. Wala tayong pangamba,” paglalarawan ng senador.

“’Yung mga issue na talamak daw ang kidnapping sa Mindanao, hindi po ako naniniwala sa ganon. Pumunta na lang kayo rito at kayo na lang po ang humusga,” anang mambabatas.

Noong Pebrero, iniulat ng Department of the Interior and Local Government na bumagsak nang 73.76% ang crime rate sa bansa sa unang limang taon ng pamumuno ni Duterte. Iniugnay ni Secretary Eduardo Año ang resulta sa pinaigting na kampanya laban sa krimen ng gobyerno.

Ayon naman sa ulat ng Real Numbers ng Philippine Drug Enforcement Agency noong Marso 2022, may kabuuang 14,888 high-value target ang naaresto mula nang magsimula ang drug war noong Hulyo 2016. Nasamsam din ng mga awtoridad ang iligal na droga na nagkakahalagang P88.83 bilyon sa buong bansa, kabilang ang P76.17 bilyong shabu.

Kaya nagpahayag ng pag-asa si Go na ipagpapatuloy ng bagong administrasyon ang mga pagsisikap na ito sa paglaban sa iligal na droga, kriminalidad at katiwalian.

“Sana po’y ‘yun lang po, sana’y ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ‘yung mga inumpisahan ni Pangulong Duterte, ‘yung mga kampanya laban sa korapsyon sa gobyerno, kampanya laban sa iligal na droga, kampanya laban sa kriminalidad,” ayon sa senador.

AUTHOR PROFILE