Bong Go

Bong Go: Mahihirap bigyan ng disenteng tahanan

February 23, 2023 People's Tonight 433 views

PATULOY na isinusulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang mas maayos na oportunidad sa pabahay, lalo sa mga mahihirap at biktima ng kalamidad, kasabay ng kanyang panawagan na pagsasabatas sa panukala niyang rental housing subsidy bill

Sa isang manipestasyon sa pagdinig ng Senate committee on urban planning, housing, and resettlement, muling iginiit ni Go ang kagyat na pagtugon ng pamahalaan sa kawalan ng tirahan sa bansa.

“Mr. Chair, every Filipino should have a decent place to live which they could also call home. However, proper and adequate housing has been a perennial problem plaguing the country since time immemorial,” idiniin ni Go underscored.

Sinabi ni Go na batay sa Habitat for Humanity Philippines, sa Metro Manila lamang ay higit 4 milyong Pilipino ang naninirahan sa mahihirap na kondisyon ng pabahay na lumala dahil sa COVID-19 pandemic at mga kalamidad.

Ang backlog sa pabahay sa bansa ay tinatayang nasa 6.5 milyon, ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development.

Ipinunto ng senador na ang kawalan ng tahanan sa bansa ay sanhi ng ilang kadahilanan, tulad ng natural na kalamidad, kahirapan, kawalan ng trabaho at limitadong access sa abot-kayang pabahay.

Dahil dito, patuloy niyang isinusulong ang pagsasabatas ng Senate Bill No. 192 na layong gawing institusyonal ang Rental Housing Subsidy Program.

Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang programa sa pabahay at proteksyong panlipunan upang mabigyan ang mga biktima ng kalamidad ng mas abot-kayang access sa formal housing market sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa pagpapaupa mula sa gobyerno.

“Importante po meron silang komportableng matirhan muna. May mga anak rin po itong mga nasunugan, mga nabahaan, eh wala silang komportableng higaan. Minsan po napapansin ko, sa Mindanao, gumagawa na lang sila ng temporary tent sa tabi ng kalye. Kawawa po ‘yung ating mga kababayan. Tulungan po natin yung mga mahihirap nating kababayan,” ayon kay Go.

“I would like to thank our chairperson, Senator JV Ejercito, for prioritizing this important measure. Napakalaki po ng maitutulong nito para sa ating mga kababayang Pilipino. Inihain ko po ang panukalang batas na ito na makapagbibigay tayo ng subsidiya sa renta dahil hangarin po natin na wala nang squatter sa ating sariling bayan,” anang pa ng senador.

Idiniin ni Go na napakahalaga ng kanyang panukalang batas dahil magpapabilis ito sa pagrekober ng mga pamilyang bittima ng kalamidad.

“Napakahirap pong mawalan ng tirahan at magsimula ulit kung sa isang iglap, mawala lahat ang iyong pinaghirapan. Back to zero talaga. Kaya naman kahit na sa simpleng paraan, dapat tumulong ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidiya sa mga kababayan nating apektado ng mga sakuna at nawalan ng tirahan.”

“We must offer rental subsidy for displaced families while offering them various options during the interim process of construction and relocation. Marapat lamang po na bigyan natin ang mga biktima ng sakuna ng pagkakataong makabangon muli. Kung nais po talaga nating mabigyan ng komportableng buhay ang bawat Pilipino, bigyan natin sila ng komportable at ligtas na pabahay,” iginiit ni Go.

Samantala, patuloy ring itinutulak ng mambabatas ang pagsasabatas ng SBN 426, mas kilala bilang National Housing Development, Production and Financing Program bill, na naglalayong pataasin ang produksyon ng pabahay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga stakeholders.

“Pinapangarap ko rin po na sana’y wala nang iskwater sa sariling bayan. Ibig sabihin, sana po ay magkaroon ng sariling pamamahay ang bawat Pilipino. Medyo ambitious bill po yun, kaya sana po’y magtulungan ang gobyerno at lahat nang matugunan po itong backlog sa housing,” ani Go.

AUTHOR PROFILE