Bong Go

Advance voting sa seniors, PWD suportado ni Sen. Go

February 23, 2023 People's Tonight 245 views

Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go sa panawagang pagpapatupad ng advance voting ng vulnerable sectors sa bansa sa pagsasabing dapat protektahan ang karapatan sa pagboto ng bawat isa at palakasin ang partisipasyon ng nakararami sa proseso ng elektoral.

Sa panayam matapos tulungan ang mga biktima ng sunog sa Mandaluyong City, sinabi ni Go na suportado niya ang Senate Bill No. 777 na inihain ni Senator Sonny Angara na naglalayong bigyan ng maagang pagkakataon sa pagboto ang mga kuwalipikado pero maaaring hindi makaboto sa araw ng halalan dahil sa iba’t ibang dahilan, tulad ng senior citizens at mga may kapansanan.

“Ayon sa COMELEC (Commission on Elections), kailangan ng additional funding to accomplish this sakaling maisabatas. Suportado ko po ito,” ayon kay Go.

Naniniwala si Go na tulad ng absentee voting para sa overseas Filipino workers, ang vulnerable sectors, partikular ang senior citizens at PWDs, ay dapat mabigyan ng pagkakataong makaboto nang maaga para maiiwas sila abala at panganib sa mataong lugar ng botohan.

“Tulad ng absentee voting ng OFWs, bigyan natin sila ng tsansa makaboto, mauna, lalo na po ang mga senior citizens, PWDs. ‘Wag natin silang pahirapan pumila sa panahon na nagsisiksikan d’yan,” sabi ni Go.

“Dapat may kasama sila. Kaunting halaga lang naman po. Susuportahan ko ito,” idiniin ng senador.

Sa ilalim ng iminungkahing SBN 777, ang mga kwalipikadong botante ay maaaring bumoto sa loob ng hindi bababa sa dalawang araw sa loob ng 15 araw sa kalendaryo bago ang araw ng halalan. Pinahihintulutan din ng panukala ang COMELEC na magtalaga ng mga accessible ng lugar ng botohan para sa eksklusibong paggamit ng senior citizen at PWD.

Ang mga vulnerable sector at PWD na nagparehistro para sa advance voting ay magkakaroon ng opsyon na bumoto sa pamamagitan ng mga itinalagang presinto, basta nakarehistro sila sa COMELEC.

Ang nasabing panukalang ay naglalayong magbigay ng kaginhawahan at accessibility sa mga botante na maaaring nahihirapang bumoto sa araw ng halalan, lalo na ang mga may mga isyu sa mobility tulad ng senior citizen at PWD.

Bilang isang pampublikong lingkod, sinabi ni Go na kinikilala niya ang kahalagahan ng pagboto bilang isang pangunahing karapatan at responsibilidad ng bawat mamamayan, anuman ang kanilang sitwasyon sa buhay.

“Dahil alam ko marami sa kanila ang gusto rin pong bumoto at lumabas, nahihirapan lang silang pumila d’yan,” ani Go.

Iginiit ni Go na tungkulin ng gobyerno na tiyaking magagamit ng lahat ang karapatang bumoto, at ang bawat boto ay mahalaga sa pagpapanatili ng demokrasya sa bansa.

AUTHOR PROFILE