Default Thumbnail

BOC determinadong labanan “illicit tobacco trade”

August 6, 2023 Vic Reyes 297 views

Vic ReyesMANANATILING determinado ang Pilipinas na labanan ang “illicit tobacco trade.”

Ito ang mariing sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio sa International Tobacco Agricultural Summit na ginanap noong Huwebes, Agosto 3, sa Taguig City.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Commissioner Rubio, na tubong Batac City sa Ilocos Norte, na isang “pivotal strategy” ang adoption ng digital and data-driven processes.”

Ang stratehiyang ito ay naglalayong mapalakas ang supply chain integrity “and ensure fair competition within the tobacco industry,” ayon sa hepe ng Bureau of Customs (BOC).

Anak ng Ilocos Region, kagaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., alam ni Commissioner Rubio ang kahalagahan ng tabako sa mga Ilocano.

Sa mga Ilocano hindi lang sa Ilocos kundi sa ibang tobacco-producing provinces, ang tabako ay isang “cash crop and an essential driver of economic development.”

Ayon pa kay Rubio, sa unang pitong buwan ng taon ay nakasakote ang mga tauhan ng BOC ng mga puslit na produkto na nagkakahalaga ng mahigit na P30.5 bilyon.

Ito na ang pinakamalaking nasakoteng smuggled goods, kabilang na ang mga sigarilyo at tobacco products, nitong nakalipas na limang taon.

Inaasahang makasasakote pa ang BOC ng mga puslit na produkto sa tulong ng x-ray scanning machines, sniffing dogs at continuous enhancement ng BOC’s risk management system.

Kaya ingat na ka kayong mga mandarambong!

***

Marami ang naniniwala na dapat mabulok sa kulungan ang mga taong nagpapasok sa bansa ng expired at bulok na karne at ibang frozen goods.

Delikadong ibenta sa merkado ang mga pagkaing ito dahil posibleng magdulot ng sakit.

Mabuti na lang at noong Agosto 1 ay nadiskubre ng mga otoridad ang mga expired na karne at frozen goods sa isang bodega sa Caloocan City.

Nagkakahalaga ng mahigit P30 milyon, ang mga produktong ito ay kinabibilangan din ng ice cream at meat balls.

Kasama ng BOC, sa inspeksyon ng nasabing bodega ay mga taga-Department of Agriculture (DA), Philippine Coast Guard (PCG) at National Meat Inspection Service (NMIS).

Sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio na ang ginawang inspeksyon sa bodega ay kasama sa pagtalima sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na protektahan ang mga border ng bansa.

Matatandaan na isa sa marching orders ni Pangulong Marcos sa ahensya ay ang patigilin ang ismagling, lalo na ang illegal drugs at agricultural products.

“Our agriculture industry will only remain vibrant if we do our mandate of intercepting possible entry and/or local distribution of disease-bearing and/or expired/spoiled frozen meat and animal by-products,” ayon kay Depcom for Intelligence Juvymax Uy.

Sinabi naman ni CIIS Director Verne Enciso na “protecting our consumers remains a priority of the bureau.”

Dapat lang, kasi sa ngayon ay mahirap ng magkasakit dahil sa tumataas na presyo ng mga gamot at medical services.

***

Panahon na para pakinggan natin ang mga eksperto upang matigil ang pagbabaha hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas.

Ayon kay Climate Change Commissioner Albert dela Cruz Sr., madaling bumaha sa mga mabababang lugar dahil sa mga tone-toneladang basura sa mga daluyan ng tubig.

Tama si Commissioner dela Cruz. Ang pagbabara ng mga canal at sewerage system ay dulot ng hindi sapat na koleksyon at walang patumanggang pagtatapon ng basura sa mga kalsada at daluyan ng tubig.

Nandiyan pa ang mga ‘di matapos-tapos na road projects sa iba’t ibang parte ng Metro Manila.

Sana nitong huling pagbaha sa maraming parte ng Luzon, kabilang na ang Kamaynilaan, ay maging eye-opener sa ating lahat.

Hindi kayang solusyonan ito ng gobyerno kung walang tulong ang taumbayan.

Walang sapat na tauhan ang gobyerno para bantayan 24 hours ang lahat ng barangay.

Ang kailangan, tayo na mismo ang magbantay sa ating mga komunidad para masigurong walang magtapon ng basura sa mga ilog, drainage canal, estero, kalye at ibang public places.

Hindi ba, DILG Secretary Benhur Abalos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #9917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE