Driver Source: File photo

Binusinahan, nanaksak!

March 21, 2024 Edd Reyes 99 views

SUGATAN ang 33-anyos na truck driver nang pagsasaksakin ng e-trike driver na nagalit nang businahan ng biktima sa kalsadang kapuwa nila tinatahak Miyerkules ng gabi sa Malabon City.

Isinugod ng mga nagmalasakit na kalalakihan sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Jojo Palad, residente ng Parola Compound, Tondo, Manila, kung saan nananatili siyang ino-obserbahan matapos gamutin ang mga tama ng saksak sa dibdib at kanang braso.

Sa imbestigasyon nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg. Michael Oben, tinatahak ng biktima na nagmamaneho ng isang Fuso truck, ang northbound lane ng M.H. Del Pilar St. Brgy. Tugatog dakong alas-9:50 ng gabi nang businahan niya ang nasa unahang e-trike upang tumabi.

Nagalit ang suspek at sa halip na tumabi, inihinto ang minamanehong e-trike at kinompronta ang biktima na bumaba na rin sa minamanehong truck upang ipaliwanag ang ginawa niyang pagbusina.

Nang pabalik na sa kanyang minamanehong sasakyan ang biktima, dito na siya pa-traidor na sinaksak ng suspek sa kanang braso at dibdib bago mabilis na tumakas, dala ang ginamit na patalim.

Ibinahagi naman ng iba pang e-trike driver na nakasaksi sa pananaksak ang pagkakakilanlan sa suspek na isang alyas “Maui”, 31, residente ng Concepcion St. Brgy. Tugatog na tinutugis na ngayon ng pulisya matapos hindi na sumipot sa kanilang tirahan.

AUTHOR PROFILE