Default Thumbnail

Binata na may ‘problema’ sa pag-iisip, nagbigti

May 16, 2023 Edd Reyes 274 views

WALA ng interes ang pamilya ng 20-anyos na binata na iniulat na nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti sa loob ng banyo ng kanilang tirahan Lunes ng madaling araw sa Malabon City na isailalim sa malalimang imbestigasyon ang trahedya.

Ito’y makaraang ihayag ng 46-anyos na ama ng biktima na dumaranas ng pagkawala sa sariling pag-iisip ang kanyang anak at kumbinsido silang walang nangyaring “foul play” sa pagkamatay ng kanyang binatang anak.

Sa imbestigasyong isinumite nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Michael Oben sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro, una na umanong tinangkang magpakamatay ng lalaki dakong alas-8:30 ng gabi noong Linggo sa loob ng kanilang tirahan sa Caingin St. Barangay Tinajeros subalit napigilan siya ng kanilang kaanak na babae.

Dakong alas-12:50 ng madaling araw nitong Lunes nang matuklasan ng isa pang kaanak na lalaki ang nakabiting katawan ng biktima sa loob ng banyo ng kanilang tirahan, gamit ang sinturon na ipinulupot sa kanyang leeg, at ang kabilang dulo at itinali sa kahoy na pinagpapakuan ng kisame.

Kaagad na ipinabatid ng lalaki sa ama ng biktima ang natuklasan kaya’t magkatuwang nilang kinalag ang nakapulupot na sinturon sa leeg subalit wala ng buhay ang binata.

Bunga ng kawalan ng interes ng pamilya na imbestigahan pa ang insidente, sinabi ni Daro na sarado na ang kaso at hindi na magsasagawa pa ng follow-up investigation ang pulisya.

AUTHOR PROFILE