Default Thumbnail

Suspek, huli sa pagholdap, pagtangay motor ng biktima

May 16, 2023 Edd Reyes 322 views

BUMAGSAK sa kamay ng pulisya ang suspek na holdaper na nang-agaw diumano ng motorsiklo ng kanyang binbiktima matapos na masukol makaraang mambiktima ng negosyante na kanya ring sinaksak Lunes ng madaling araw sa Taguig City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, ang suspek na may alyas “Ikong,” 27, ay binitbit ng mga tauhan ng Taguig police dakong alas-2:40 ng madaling araw sa M.L. Quezon St. Barangay Lower Bicutan, wala pang isang oras matapos mambiktima.

Sa ulat na isinumite ni Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo, pasakay na sa kanyang Yamaha Mio motorcycle ang biktima, 38, negosyante, pasado alas-2 ng madaling araw ng Mayo 15 sa Bgy. Lower Bicutan nang lapitan siya ng suspek na armado ng patalim at nagdeklara ng holdap.

Matapos samsamin ang kanyang personal na gamit, sapilitan pa rin inagaw ng suspek ang motorsiklo kaya’t doon na pumalag ang biktima na dahilan upang saksakin siya ng suspek.

Natangay ng suspek ang motorsiklo at personal na gamit na biktima na kaagad din namang isinugod ng mga nagmalasakit na kalalakihan sa Taguig-Pateros Hospital kung saan siya patuloy na nakaratay.

Mabilis namang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek bagama’t hindi na nabawi pa sa kanya ang motorsiklo at personal na gamit ng negosyante na kanyang tinangay.

Nahaharap sa mga kasong panghoholdap at paglabag sa RA (Republic Act) 10883 o ang New Anti-Carnapping Act sa Taguig City Prosecutor’s Office ang nadakip na suspek.

AUTHOR PROFILE