Default Thumbnail

Binata huli sa pamboboso

October 2, 2021 Melnie Ragasa-limena 2133 views

Sa kulungan ang bagsak ng isang binata nang silipan ang kapitbahay na 13-anyos na batang babae habang umiihi sa loob ng banyo sa tinitirhan nilang compound sa Bgy. Gulod, Novaliches, Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.

Ang suspek na kinilalang si Jermenio Salita, 22, binata, tubong Capiz at residente ng No. 88 Nitang Ave., Bgy. Gulod, Novaliches, Quezon City, ay kasalukuyang nakakulong sa Novaliches Police Station 4.

Sa imbestigasyon ni PCpl Racquel C. Graneta, bandang alas-8 ng gabi, Setyembre 30, nang maganap ang insidente sa comfort room ng compound kung saan parehong residente ang suspek at ang biktima.

Ayon sa ama ng biktima, pumasok umano ang kaniyang anak sa banyo upang umihi nang makita niya ang suspek na naninilip mula itaas ng pader kaya agad itong nagsisigaw sa takot.

Nang marinig ang tumitiling anak ay lumabas ito ng bahay at nakita ang suspek malapit sa banyo.

Dahil dito ay inireport ng tatay ng biktima ang paninilip ng suspek sa kaniyang minor na anak at ipinaaresto ang binata.

Inihahanda na ang kasong unjust vexation na may koneksyon sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act laban sa suspek.