BBM Presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Kuha ni VER NOVENO

BBM unbeatable pa rin!

April 17, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 132 views

58% sa March survey, tumaas pa ng 8% — SWS

HALOS 20 araw na lamang bago ang halalan sa Mayo 9, nananatiling “runaway winner” si presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa karera sa pagka-pangulo matapos tumaas pa ng walong porsyento ang kanyang voter preference sa “leaked survey” nitong March ng Social Weather Station (SWS).

Nananatiling matatag sa unang pwesto si Marcos na nakakuha ng 58 porsyentong voter preference nitong Marso 2022 survey na tumaas ng walong porsyento kumpara sa kanyang 50 porsyentong bilang nitong Enero 2022.

Nasa malayong pangalawa pa rin si Leni Robredo na mayroong 18 porsyentong voter preference nitong Marso o bumaba ng isang porsyento kumpara sa kanyang 19 porsyento nitong Enero.

Kapansin-pansin din patuloy ang pagtaas ng bilang ni Marcos habang papalapit ang halalan.

Noong Oktubre 2021, nakapagtala si Marcos sa SWS survey ng 47 porsyento, habang nitong Disyembre 2021 ay tumaas ang kanyang numero sa 51 porsyento.

Nitong Enero, nakakuha siya ng 50 porsyento bago tumaas sa 58 porsyento nitong Marso.

Nananatili naman si Robredo sa kanyang bilang na mas mababa sa 20 porsyento sa mga survey ng SWS simula Oktubre 2021 hanggang Marso 2022.

Nakapagtala siya ng 18 porsyento nitong Oktubre 2021, 14 porsyento noong Disyembre, at 19 porsyento nitong Enero at bumalik sa 18 porsyento nitong Marso.

Kamakailan lamang ay idineklara ng Pulse Asia na posibleng si Marcos ang kauna-unahang “majority president” sa bansa sa ilalim ng multi-party setup, matapos mapanatili ang malaking lamang laban sa kanyang mga katunggali.

Base sa resulta ng Pulse Asia survey nitong Marso, nanatiling matatag si Marcos sa unang posisyon matapos makakuha ng 56% voter preference.

Nasa malayong pangalawa si Leni Robredo na umiskor ng 24% habang si Isko Damagoso ay pangatlo na may 8%.

Si Manny Pacquiao, ay nakakuha naman ng anim na porsyento habang si Panfilo Lacson ay mayroong 2%.

Sa panayam kamakailan ng SMNI, sinabi ni Ana Tabunda, Research Director ng Pulse Asia na kung iko-convert ang 56 porsyento ni Marcos sa boto, ito ay aabot sa 36.5 milyon mula sa kabuuang 65 million registered voters sa bansa.

“Well, ngayon lang kami nakakita ng ganyan kalaking lamang sa buong experience namin. Kauna-unahang pagkakataon ito na mayroong nag-majority voter preference na presidential candidate,” ani Tabunda kasabay ng pahayag na kauna-unahan ito sa kasaysayan na napanatili ng kandidato sa pagka-pangulo ang 50-plus voter preference sa buong panahon ng kampanya.

Lamang si Marcos ng 32 porsyento at kung susumahin sa boto, ito ay aabot sa 19.5 milyong boto, o mas mataas pa sa boto na nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte na mahigit 16 milyon noong nakaraang halalan noong 2016, ani Tabunda.

“Yung lamang niya with Robredo 32 percent of 65 million voters sir, mga 19.5 million votes sir,” ayon kay Tabunda.

Iginiit pa ni Tabunda na tila mahihirapan na ang kampo ni Robredo na makahabol kay Marcos dahil sa malaking lamang nito.

“Medyo mahirap po siya (para kay Robredo na humabol), kasi nga po itong huling pagtaas ni Leni ay nine points. Para po makahabol ay kailangang niya ng 16 points tapos kailangang mabawasan si BBM ng 16 points sa darating na araw bago ang eleksyon. Medyo mahirap siya mangyari,” paliwanag pa niya.

“Maaring magbago, ang tanong e kung makakahabol pa. Hindi naman imposible pero medyo mahirap po kasi 32 points yung gap,” ayon pa sa research director.

AUTHOR PROFILE