BSKE

Batangas police tutok sa vote buying

October 30, 2023 Jojo C. Magsombol 187 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas–Todo tutok ang Batangas Police Provincial Office (BPPO) sa ginanap na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 para sa anumang paglabag sa mga alituntunin partikular sa vote buying.

Noong Huwebes, nagbunga ng masusing pag-iimbestiga kung may naganap na vote buying ang simpleng alitan ng dalawang grupo ng taga-suporta ng magkalabang kandidato sa sa Bgy. Sampaga, Balayan, Batangas.

Nag-ugat ang imbestigasyon sa alegasyon ng isang partido na namimigay ng bigas ang kalaban nilang partido.

Kinilala ni Batangas Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Samson Belmonte ang suspect sa sinasabing vote buying na sina alias Harold, 35, alias Ana, 44, at alias Bert, 32, ng Bgy. Sampaga, Balayan, Batangas.

Ayon sa imbestigasyon, bandang ika-7:40 ng gabi nang nagkaroon ng komprontasyon sa pagitan ni alias Bert at tatlong kalalakihan na sina alias John, 30, alias Reynor, 33, at alias Mark, 25.

Hinggil sa ‘di umano’y mga bigas na karga ng isang mini dump truck na minamaneho ni alias Bert ang komprontasyon na mula sa kalabang partido na kinabibilangan naman nila alias Harold at Ana, ayon kina alias John, Reynor at Mark.

Kasong paglabag sa COMELEC Resolution No. 10946 Sec. 261 ang isasampa kina alias Harold, alias Ana at alias Bert habang physical injuries naman ang kakaharapin nina alias John, Reynor at Mark.

AUTHOR PROFILE