Default Thumbnail

Barangay Zumba

July 16, 2023 Joey C. Papa 308 views

JoeyNarinig ko nitong Sabado sa isang umpukan ng mga residente ng isang barangay sa Lungsod Quezon, ang mga opinyon hinggil sa parating na baranggay elections sa Oktubre ngayong taon.

“Magaling lang naman sila sa Zumba! Hindi sila mahusay sa pamamahala!” galit na saad ng isang babaeng residente.

“Magaling din sila sa pamamahagi ng mga ayuda noong Covid 19 lockdown. Tagabigay lang naman sila ng mga sardinas na bigay naman ng City hall. Kung makangiti sila, mapupunit na ang bibig sa laki ng ngiti na akala mo ba’y sa kanila nanggaling ang mga bigas at ulam na ipinamamahagi nila,” pahabol ng isa pang babae na residente rin ng naturang barangay.

Dumami na ang nakisawsaw na mga residente sa umpukan dahil alam nilang dapat silang maging sangkot sa mga usapin ng barangay.

Nakasuhan na umano ang ilang opisyal ng barangay dahil sa usapin ng ayuda. Pinabigyan nila ng ayuda ang mga asawa ng mga kagawad na inaprubahan naman ng punong barangay. Kinalaunan, abswelto rin ang punong barangay.

Kailan lang ay may tatlong townhouse umano ang ninakawan ng mga mamahaling gamit. Malaki raw ang nawala sa mga biktima.

“Nasaan ang mga Tanod? Ikot ng ikot ang motortrike na parang nag-aaksaya lang ng gasolina dahil hindi naman nila tinitingnan talaga ang kaligtasan ng mga kalye ng barangay. Umiikot lang sila para masabing umikot. Trabahong “roving” daw ‘yun,” galit na pahayag ng isang lalaking residente.

“Sayang ang pera ng taumbayan!” sai naman ng isang kabataang babae.

“Kung hahanapin ang mga kagawad ng barangay o minsan ay maging ang Punong Barangay o si “tserman,” wala sila lagi. Ang palusot nila ay kanya-kanya naman sila ng kumiteng hinahawakan.

Minsan may tumawag sa isang lalaking kagawad, wala ito, dahil abala ito sa kanyang negosyo. Hindi ito dapat maging dahilan. Noong tumakbo sila sa para sa kanilang mga tungkuling, dapat ay naging handa silang bigyan ng malaking oras ang trabaho nila bilang mga opisyal ng barangay,” pahayag ng isang senior citizen na lalaki.

“Kaso, ang tingin nila sa trabaho sa barangay sideline lang nila! Dagdag na sahod o ‘yung ibang wala naman talagang trabaho, pumasok sa pulitika ng barangay para may kitain at may palagiang suweldo!” sabi ng isang kabataang lalaki.

Hindi ko mababanggit ang mga pangalan ng mga taong kalahok sa talakayan sa pakiusap na rin nila upang hindi sila malagay sa panganib at ang kanilang pamilya. Ito ay demokratikong talakayan na may mahigpit na pag-iingat dahil maraming pinapatay na sibilyan ng mga taong hindi kilala at hindi malaman ung saang lupalop nagmula.

Matagal ko nang alam ang mga reklamong narinig ko mula sa mga kababayan natin. Kaya madalas ko na ring naitatanong na “kailangan ba natin talaga ang barangay government?”

Marami rin akong masasabi tungkol sa pamahalaang barangay ng aming komunidad partikular ang uri ng pamamahala nito. Maraming sablay ika nga. Magbibigay ka ng mungkahi pero pumapasok lang ang mga sinabi ko sa kaliwang tainga at lalabas din sa kanang tainga nila. Sasagutin ka na lang “noted po sir”. Lumalapad din ang mga bibig sa kasasabi ng “thank you so much po sir”na hindi ko malaman kung naintindihan nila ang sinabi ko o hindi.

Paano susulong ang bansa natin kung ang pamahalaan sa barangay ay paatras ang direksyon. Hindi ko nilalahat.

Ngunit kailangang pag-usapan na ngayon kung talagang kailangan ba natin ang isang “layer” ng burukrasya sa ating pamahalaan. Dagdag badyet din ang mga barangay government na ito.

Magastos lang! Ginagamit pa ng mga pulitiko tuwing eleksyon.

Ang ending din naman ng mga transaksyon sa barangay ay ituturo rin ang residente sa City hall upang doon malutas ang anumang mga problema.

Ano pa ang silbi ng mga barangay government kung ganu’n din lang pala?

AUTHOR PROFILE