Bantay-salakay!

December 9, 2022 Allan L. Encarnacion 136 views

Allan EncarnacionANG malaking problema talaga ng bayan ay iyong ibang nanunungkulan na sumumpang ipagtatanggol ang mga mamamayan at titiyakin ang kaayusan ng bansa.

Itong malaganap at talamak na operasyon ng sindikato ng droga ay hindi talaga natin makitaan ng solusyon kahit ano pa ang ating gawin.

Nakita natin ang kakaibang bangis ng kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs kaya mas lalo nating nalaman kung gaano kalaki ang problema. At nadiskubre rin natin na ang mga tiwali sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan mula sa barangay hanggang sa national ay nakikipagsabawatan sa sindikato.

Sangkatutak ang shabu laboratory, barko-barko ng shabu ang nasasakote pero nawawala dahil dinudugas din ng mga kasabwat sa gobyerno. Maraming operasyon na ang ginawa ng mga matitino sa pamahalaan pero ang ending, hindi pa rin nagtatagumpay.

Katulad ng pagkakadakip sa mismong hepe ng PDEA district office chief at PDEA agents habang nagbebenta ng isang kilo ng shabu, worth P9 milion, hindi ba’t ang sakit sa dibdib?

Ang konsuwelo lang natin dito, mga matitinong pulis din naman ang dumakip sa kanila kaya nakakabawas ng sama ng loob. Pero di ba, isipin nating mabuti, paano kung hindi ito nahuli? Ang mas magandang tanong, gaano katagal na kaya itong nangyayari?

Ang lalo pang masakit na tanong, isang kilo ang nahuli pero gaano na kaya karaming kilo ang kanilang naibenta bago nahuli? At ang mas mabigat, ang naaresto ay hepe at agents, kumusta naman kaya ang iba pa nilang posibleng kasamahan na ganito rin ang linya?

Ito iyong sinasabi natin na gusto mo nang sukuan ang problema ng bansa dahil ang mga dapat lumutas ay siya mismo ang problema!

Naniniwala akong kaya patuloy na tumataas ang krimen ay dahil napabayaan ng PNP ang kampanya laban sa illegal drugs. Huwag na tayong humanap ng ibang masisisi dahil kapabayaan lang naman talaga ang ugat ng mga ito.

Ano ang mangyayari sa ating bansa kung walang all-out war laban sa illegal drugs tapos nagpapaligsahan pa ang mga awtoridad sa pagbebenta ng mga ito sa kalsada? Ang lungkot di ba?

Kung talagang kikilos lang lahat mula sa national, local government, PNP, PDEA at barangay, walang lalaganap na illegal drugs sa ating bansa.

Kapag magpapatuloy ang bantay-salakay ng mga taong inaasahan nating magtatanggol sa atin laban sa kasamaan, sa kangkungan pupulutin ang ating bayan!

allanpunglo@gmail.com