Senator Jinggoy Estrada mangunguna sa pagtugon sa benepisyo at proteksiyon ng Caregivers

December 10, 2022 Marlon Purification 160 views

Marlon PurificationUUMPISAHAN nang talakayin ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development ang panukalang batas na magbibigay proteksyon laban sa pang-aabuso, harassment, karahasan at pagsasamantala sa mga caregiver sa bansa.

Kasabay nito, sinabi ni Committee chair Senator Jinggoy Ejercito Estrada na kasama rin sa gagawin nilang pagbusisi ang pagkakaroon naman ng kaukulang benepisyo para sa mga caregiver.

“Nais nating bigyan hindi lang ng insentibo pati na rin ng dignidad ang mga caregiver sa lahat ng sulok sa ating bansa,” ani Estrada, may-akda ng Senate Bill No. 1440 o ang panukalang “Caregivers Welfare Act.”

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig si Estrada sa Lunes, Disyembre 12, 2022 sa mga nasabing panukala na may katulad na bersyon na inihain nila Senador Loren Legarda, Sonny Angara, Francis Tolentino, at Ramon Revilla Jr.

Paliwanag ni Estrada sa kahalagahan ng nasabing panukala, hindi nabibigyan ng nararapat na benepisyo ang mga caregiver na mataas ang demand sa kanilang serbisyo lalo na sa labas ng bansa.

“Ang mga caregiver ay kadalasang hindi nabibigyan ng sapat na sahod at napipilitang magtrabaho ng mahabang oras. Mabigat ang tungkuling ginagampanan ng ating mga caregiver kaya nararapat lamang na pahalagahan ng gobyerno ang kanilang propesyon at tugunan ang kawalan ng proteksyon at benepisyo sa kanilang hanay,” ananng mambabatas.

Nilalaman ng SB 1440 ni Estrada ang panukalang patnubay para sa paghahanda at pagpapatupad ng mga employment contracts, pagsumite ng pre-employment requirements, bilang ng oras ng trabaho, minimum wage, pagbabayad ng sahod, leave and other benefits, hindi pagbawas ng benepisyo, proteksyon mula sa hindi makatarungang pagkatanggal sa trabaho, proteksyon sa mga tinanggap sa pamamagitan ng private employment agencies, settlement of disputes, tungkulin ng caregivers at mga pangunahing pangangailangan na dapat ipagkaloob ng mga employer.

Sa mungkahi ni Estrada, dapat nasa walong oras ang bawat shift at ang karagdagang oras ay dapat masakop ng mandatory overtime pay. Dapat din aniya na nasa minimum wage ang sahod ng mga caregiver o batay sa naaangkop na minimum na sahod ng nasasakupang rehiyon.

Naglagay din ng probisyon si Estrada sa pagbibigay ng taunang annual service incentive leave na hindi bababa sa limang araw para sa mga caregiver na nakapanilbihan na isang taon at ang mga hindi nagamit na annual leave ay mabibilang sa susunod na taon.

Ang mga hindi nagamit na service incentive leave ay maaaring ma monetize, aniya.

Itinitutulak din ni Estrada na mapasailalim sila sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (HDMF) o Pag-IBIG at makakuha ng iba pang benepisyo na naaayon sa batas.

“I actually filed this bill as early as 2014. I re-filed this bill para mabigyang buhay ulit itong panukalang batas na makapagbibigay insentibo at proteksyon para sa ating mga caregivers,” sabi niya.

Sa ganang akin, napakagandang hakbang ito upang tingnan naman ang kaawa-awang kalagayan ng mga caregivers na itinuturing na hindi lamang bayani ng bansa, kundi bayani rin para sa mga pamilyang kanilang inaalagaan.

Umaasa tayong magkakaroon bibigyan ito ng suporta ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongeso upang magkaroon ng maganda’t makabuluhang resulta.