Default Thumbnail

Banatang DI vs MNLF 17 na natodas

December 12, 2023 Zaida I. Delos Reyes 191 views

PUMALO na sa 17 ang natotodas sa walang puknat na banatan ng Dawlah Islamiya (DI) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Dalgan, Pagalungan, Maguindanao del Sur mula pa noong Sabado.

Siyam na miyembro ng terorista ang napapatay at anim ang nasugatan sa pag-atake ng MILF sa kanyang kuta sa isang barangay na sakop ng 220,000 hektaryang Liguasan Delta.

Walong miyembro naman ng MILF ang napapatay na sa bakbakan.

Bilang diversionary ploy, binaril at napatay ng mga miyembro ng DI ang kapatid ng isang opisyal ng barangay sa Dalgan, Pagalungan, Maguindanao del Sur bago tumakas sakay ng isang bangka nang maramdamang malapit na ang mga kalabang MILF.

Nabaril din ng mga ito ang isang 2-taong gulang na bata at tatlo pang residente.

Kinumpirma ang bakbakan ng mga opisyal ng gobyerno kabilang si Pagalungan Vice Mayor Abdillah Mamasabulod noong Lunes.

Una nang inatake ng mga miyembro ng MILF ang kuta ng mga terorista bilang tulong sa ikinasang operasyon ng 6th Infantry Division ng Philippine Army laban sa mga teroristang grupo.

Sinabi ni Major Gen. Alex Rillera, commander ng 6th ID, na pinangunahan ni Akmad Abas, hepe ng Eastern Mindanao Group at miyembro ng Bangsamoro Parliament, ang pag-atake.

Suportado ni Abas at Mamasabulod ang mga pulis at military sa kanilang anti-terror campaign sa lugar.

Paliwanag ni Abas, titignan sana ng kanilang grupo ang lokasyon kung saan nagpakawala ng 105 Howitzer cannons ang 6th ID pero inatake sila ng terorista na nagresulta sa bakbakan sa mga barangay na malapit sa Liguasan Marsh.

Sa panig naman ng PNP, sinabi ng Police Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at Maguindanao del Sur Provincial Police Office na hindi pa nila makuha ang pagkakakilanlan ng mga nasawing DI members dahil dinala ng kanilang mga kasamahang tumakas sa kasagsagan ng bakbakan ang bangkay ng mga namatay na kasama.