Default Thumbnail

Bakit hindi si Loren Legarda?

August 27, 2021 Paul M. Gutierrez 448 views

PaulKAHAPON, naging guest ng National Press Club/Report to the Nation forum si House Deputy Speaker at Antique Rep. Loren Legarda.

Kilala at alam ng lahat si Legarda bilang isang senador, kung saan tatlong beses siyang naging kasapi ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso (18 taon).

Sa darating na halalan, naniniwala tayong ‘shoo-in’ na siya sa pagtakbong senador dahil dalawang beses na siyang naging ‘topnotcher’ sa Senate race, isa sa mga dahilan kung bakit kinuha siyang bise-presidente ni ‘Da King’ (Fernando Poe Jr., FPJ) noong 2004 presidential elections.

Bilang mambabatas, eh sandamakmak na— at puwede pa ngang gawing “libro” ang kanyang mga naipasang batas, bilang principal author o co-author. And take note, karamihan sa mga ito ay pinapakinabangan na natin ngayon, katulad ng Clean Water/Clean Air Act, Solid Waste Management Act, ang pagtatayo ng DICT (Dept. of Information and Communication Technology) at Philippine Climate Change Act.

Hindi na natin hihimayin dito ang mga batas na naipasa ni Legarda (higit 30), dahil sa kanila pa lang, ubos ang tatlong pahina ng People’s Tonight, hehehe.

At kung naghahanap kayo ng trabaho sa inyong lugar, ang una ninyong pinupuntahan ay ang ‘PESO’ (Public Employment Service Office), tama ba, mga kabayan? At bakit mayroon na ngayong mga PESO sa mga LGUs? Si Legarda rin kasi ang gumawa ng batas na yan.

Matagal ring naging chairperson ng Senate Finance Committee si Loren (buong panahon ng 17th Congress) kung saan ang isa kanyang mga naisulong na mapondohan ay ang ‘Free Tertiary Education’ na malaking tulong sa mga estudyante sa mga state colleges and universities (SCUs), partikular ngayong pandemya.

Translation? Bilang ex-finance committee chair ng Senado, “alam” ni Sen. Loren kung “saan” kukunin at paano “hahatiin” ang pambansang pondo, partikular na ngayong panahon ng pandemya, katangian sa isang lider na sadyang kailangan ngayon ng bansa.

Binabanggit natin ito hindi dahil “naabutan” tayo ni Sen. Loren— “alaws” kahit singko— bagkus, dahil ‘on reflection,’ sadyang “sayang” ang kanyang galing at talino bilang mambabatas at pulitiko.

Krusyal kasi sa ating lahat ang resulta ng 2022 elections dahil ang susunod na anim na taon sa ilalim ng bagong administrasyon ang “magtatakda” sa kinabukasan nating lahat, kasama na ang ating mga anak at apo.

Nang maitanong naman ng mga miron kung “bakit” pagbalik lang sa Senado ang kanyang puntirya? Samantalang sa karanasan at kakayahan eh, “pang-Malakanyang” ang bagay na puwesto sa kanya?

At natuwa naman ang mga miron dahil ang kanyang sagot eh, “pag-iisipan” niya ang nasabing suhestiyon.

Kung sa bagay, kumpara sa ibang nag-aambisyon na maluklok sa Palasyo, aba’y “lamang ng milya-milya” si Sen. Loren Legarda!

Kayo, mga kabayan, ano sa palagay ninyo?

Ano naman kaya sa tingin mo, kumareng Atty. Cheloy Garafil?

Abangan!

AUTHOR PROFILE