Default Thumbnail

Bahala na si Batman

September 16, 2023 Magi Gunigundo 289 views

Magi GunigundoANG walong milyon natin mga kababayan na overseas contract worker ay may mainam na reputasyon bilang masisipag na indibidwal na hindi mapili sa mga mapanganib, marumi at pang-bahay na trabaho na nangangailangan ng mahabang oras.

Sila ay masunurin sa batas at maaasahan habang nagtatrabaho sa ibang bansa. Lantad sa kanilang kamalayan ang mga serbisyo, pamamaraan at kasanayan sa unang mundo. Hindi malayong isipin na sila ay magiging mapanuri sa pagpili ng mga pinuno ng bansa na ang layon ay magkaroon ang Pilipinas ng espasyo para sa mga disenteng suweldo para sa isang maginhawang buhay ng hindi na kinakailangan magtrabaho sa ibang bansa.

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na diskarilyado ang ating bansa na makahabol sa ating mga kapit-bansa sa ASEAN.

Isinulat ng mag-amang Nicolo at Oscar Bernardo (2017) na ang mga pagpapahalagang inilalagay natin sa paghahangad ng ari-arian at kasaganaan ay may malaking pagkakaiba sa kalagayang pang-ekonomiya ng isang bansa. Itinuturo nila na ang mga bansang Protestante ay mas maunlad kaysa sa mga bansang katoliko at Islam.

Ang mga Bernardos ay nagpapaliwanag na ang pagkakaiba ay maaaring dahil sa magkasalungat na mga ideolohiya, paniniwala at pananaw tungkol sa trabaho at pera na sinasalamin ng mga batas na nagbabalangkas sa pang-ekonomiyang agenda ng estado.

Sa Protestant Ethic and the Spirit of Capitalism, sinabi ni Max Weber na ang pagpapahalaga ng Protestante para sa pagsusumikap at personal na pagpapayaman, pagpaparami ng mga mapagkukunan, at kasaganaan ay itinuturing na mga palatandaan ng banal na pabor na nagpayaman sa ekonomiya ng mga estadong protestante.

Sa kabaligtaran, hinikayat ng Katolisismo ang pag-iisip na walang masamang maghirap dahil sa langit ang punta nila tulad ni Lazaro; ang mga relihiyoso ay pinagpapanata ng kahirapan at asetismo bilang pinakamataas na pagpapahayag ng kabanalan. Ayon kay Weber, ang Katolisismo ay may pagkahilig sa madasalin na katamaran, pag-ayaw sa sarili, at pyudalismo. Ang indibidwal at interes ng pamayanan ay pinangingibabawan ng interes ng mga prayleng hibang sa mga bonggang ritwal at fiesta.

Dagdag pa rito, pasan ng mga mahihirap ang magastos na pagpapatayo ng simbahan na kailangan daw ng makapangyarihang Kristiyanong Diyos sa gitna ng kakapusan.Sinasabi ng mga kritiko ni Weber na ang kanyang pagsusuri sa Katolisismo ay partikular na naaangkop lamang sa Kastila at Pranses na Katolisismo.

Sinabi ni Dr. Jose Rizal na , “Marahil ang katamaran ay pinahintulutan sa mga bansang Katoliko sa pangkalahatan at sa Pilipinas sa partikular,” (sanaysay ng papuri kay Francesc Pi y Margall’s 1884 “Las Luchas de Nuestros Dias (The Struggles of Our Days)). Ang “pananampalataya sa mga himala ay nagpapaasa na ang lahat ng solusyon ay magmumula lamang sa langit,” isinulat ni Rizal.

Bilang tugon sa akusasyon na ang mga Pilipino ay tamad at mas gusto nilang isugal ang kanilang pera kaysa magtrabaho sa pamilya, isinulat ni Rizal ang Sobre la indolencia de los filipinos (Ang katamaran ng mga Pilipino) at sinabi niya na, “Ang isang tao sa Pilipinas ay isang indibidwal, hindi siya miyembro ng isang bansa.”

Ipinaliwanag ni Dash Mendoza-Magayano (2021) na ,” nang isulat ni Rizal ang linyang ito, sinisikap niyang ipaliwanag kung bakit hindi kailanman umunlad ang mga Pilipino sa ilalim ng kolonisasyon ng mga Espanyol. Ipinaglaban ni Rizal na ang mga Pilipino ay hindi likas na tamad – ang kanilang katamaran ay dulot lamang ng pagtrato ng mga Kastila (at sa kasamaang palad ng ilang piling Pilipino).

Walang saysay ang pagsisipag kung ang kita ay kukunin lamang ng mga Kastila at mga Prayle. Ikinuwento ni Rizal na masagana ang mga isla at ang diplomasya ng mga katutubo sa pakikipagkalakalan sa mga dayuhan. Sinabi ni Rizal na kumbinsido ang mga Pilipino na makakamit lamang nila ang kaligayahan kung itatapon nila ang kanilang dignidad sa labas ng bintana sa panahon ng kolonyalismong Kastila.

Tinanggap ng mga Pilipino na ang interes ng España ay nauuna sa kanilang sariling kapakanan at ang pagrerebelde laban sa Kastila ay salungat sa Kristiyanismo. Ito ay walang pinagkaiba sa asimilasyon ng mga Amerikano na naglinang ng parehong pag-iisip para sa mga Negro ng Pasipiko na naghahangad na maging estado ng Amerika at nauwi ito sa pagsamba sa mga puti. Nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinagkaloob sa Pilipinas ang kasarinlan. Sa kasamaang palad, karamihan sa mga Pilipino ay walang ideya kung paano patakbuhin ang demokratikong republika, kaya napunta ang kapangyarihan sa kamay ng mga oligarko na ang layunin ay para sa kapakanan ng iilan at hindi ng lahat.( Magayano, 2021)

Ang mga Pilipino ay hindi kailanman natuto kung paano maging isang bansa dahil ang isang Pilipino ay isang indibidwal lamang na hindi miyembro ng anumang bansa. Bahala na si Batman sa ating mga problema sa edukasyon, kalusugan, agrikultura, hustisya at West PH Sea.

AUTHOR PROFILE