Default Thumbnail

Asec Tugade, ipapa-FB Live ang pinakamabantot na banyo sa LTO!

February 15, 2023 Allan L. Encarnacion 272 views

Allan EncarnacionSA dami ng naglalabasang bad news, nakakatuwang malaman na may mga ahensiya pa rin ng gobyerno ang nagpapaganda ng ating gising.

Sinong mag-aakala na darating ang araw na ito na babawasan ng Land Transportation Office ang sakit ng ulo ng mga motorista sa pamamagitan ng “paracetamol” na polisiyang ipinatupad ni LTO Chief, Asec Jay Art Tugade?

Noong araw, ubos ang maghapon para lang sa pagpaparehistro ng iyong sasakyan kaya iyong ba, napipilitan pang mag-dayoff para lang magawa ito. Nang mga sumunod na sistema, kalahating araw na lang, tapos na ang iyong pagpaparehistro.

Pero sa pagkakataong ito, baka matagal na ang sampung minuto para makapagparehistro ka sa online portal ng LTO- Land Transportation Management System (LTMS).

Ayon kay Chief Tugade, maaari nang makapagpa-renew ng rehistro ng sasakyan nang hindi kailangang pumila sa mga district office ng ahensya dahil internet connection na lang ang kailangan mo. Pero siyempre, magagawa mo lang ito kung may account sa LTMS para sa online trasaction. Kahit saan naman na ngayon ay may mga internet na, lalo na sa mga urban areas. Kahit naman sa ibang rural areas, may mga internet connection na rin.

Natural, ang mga dati nang nakarehistro ay makakagamit ng online registration dahil may mga record naman na iyon sa data base ng LTO. Ibig sabihin, kung bago ang sasakyan na karaniwan ay 3 years ang registration, baka kailangan muna ng unang manual registration. Pero iyong mga succeeding years, areglado na via online registration.

Paalala nga pala ni Tugade, bago ang transaksyon sa online ng pagpaparehistro ng sasakyan, kailangan munang kumuha ng Certificate of Coverage (COC) o insurance na pinili ng may-ari ng sasakyan; at naisalang na sa inspeksyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).

“Both the validated insurance and the motor vehicle inspection report (MVIR) will be electronically sent to the LTMS,” dagdag pa ni Tugade.

“If your plate number ends with 3, you have the whole month to get your choice of insurance coverage, have your vehicle inspected in any PMVIC near you, and access the LTMS portal for the online renewal. There’s no need for vehicle owners to spend a whole day renewing the registration of their vehicles,” paliwanag pa ni Tugade.

By the way, huwag din kayo magugulat kung sa mga susunod na araw ay makakita na kayo ng sparkling clean toilets sa mga LTO area dahil ang marching order ni Asec Tugade, kailangang maging kaaya-aya ang mga banyo sa LTO na ginagamit publiko na may transaksiyon sa tanggapan.

Sa totoo lang naman, ang akala ng iba, puwedeng barubal na itsura lang ang mga toilet gayong ito ang salamin ng ahensiya. Kahit sa ating mga bahay, kung napakadumi at mabaho ang mga banyo, nakakabuwist kaya! Nakakasira ng araw!

Kaya nga may babala pa si Asec Tugade, iyong pinakamabantot at pinakamaruming kubeta ng LTO branch ay ipapalinis niya mismo sa mga opisyal na nagpapabaya.

At naka-FB live daw kaya instant celebrity ang mga banyo king and queen ng LTO kapag nagkataon.

Wow, aabangan namin yan para makapag-like at mad face sa mga salaulang hepe na naglilinis ng inidoro!

[email protected]