Default Thumbnail

Ano na lang ang maganda sa NAIA?

March 6, 2023 Paul M. Gutierrez 226 views

PaulMATAGAL na nating sinasabi na ang mukha ng ating airport ay mukha ng ating bansa. Dahil nga napabalita noon na isa ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa mga pinakamalalang airport (worst airport) sa daigdig na pinalagan ng ibang mga opisyal.

Sa totoo lamang po, huwag na tayong magtaka kung bakit dahil kung ihahambing lang natin ang NAIA sa iba pang mga airport sa mga karatig bansa natin dito sa Asya ay malamang na mapahiya lamang tayo.

Kaya nga imbes na magbalat sibuyas tungkol dito ay kailangang maging hamon ito para mapaganda ang pisikal na istura at gayundin ang serbisyo sa NAIA.

Pero matapos ang insidente ng pagnanakaw umano ng mga mismong tauhan ng Office of Transportation Securuty ng Department of Transportation (DOTr) sa NAIA, ay talaga pong masasabi nating nabubulok na ang NAIA.

Dahil tama po si Speaker Ferdinand Martin Romuladez, kahiya-hiya po ang ganitong gawain sa NAIA. Hindi lamang po kahiya-hiya kundi kasuka-suka po dahil ito po ang magiging tingin sa atin ng mga dayuhan. Lugar tayo ng magnanakaw.

Nagpapakapagod ang Department of Tourism para makapanghikayat ng mga turista sa ating bansa para makatulong sa ating ekonomiya at ating mga kababayan na magkaroon ng hanapbuhay pero ang ginagawa naman ng mga nasa NAIA ay pinagmumukha tayong mapanganib na lugar sa mga dayuhan.

Iyan po ang mga taong sobrang ganid at makasarili na hindi iniisip ang kapakanan ng bayan. Kaya dapat sa mga iyan ay talagang pagtatanggalin. Wala pong puwang na maging lingkod bayan o kawani ng gobyerno ang mga taong ganyan.

At ang tanong sino kaya ang mas higit na nakikinabang dyan at parang ang lakas ng loob na gawin ang mga bagay na ito? Dahil malamang po hindi ito ang unang pagkakataon na ginawa ng mga taong ito ang ganitong gawain.

Hindi po natin maialis sa ating isip na baka hindi na lang simpleng nakawan ang nangyayari sa NAIA. Hindi kaya talagang nasa malalim na na sistema ito o baka naman sa mas malala ay sinindikato na ang ganito?

Kaya hindi po natin maialis na noong panahon ni dating Pangulong Aquino na nauso ang tanim-bala sa mga bagahe para pagkakitaan ang mga pasahero ay ito naman ngayon ang galawan sa NAIA.

Ganyan po ang talagang mangyayari dyan kung walang napapanagot at nakukulong sa mga gumagawa ng ganiyan. Meron po bang naparusan o nakulong noon sa tanim-bala? Wala po tayong naaalala na may nanagot doon.

Kaya ang tanong natin ay may mananagot ba sa pangyayaring ito na naman sa NAIA? Dahil kung wala po ay tiyak na may mauulit pa na ganitong kahiya-hiya at kasuka-sukang gawain dyan sa NAIA.

Ang tanong ngayon, paano tayo makakapanghikayat mabuti ng mga turista sa ating bansa kung ang alam nilang unang sasalubong sa kanila ay isang pinakamalalang airport sa daigdig at mga magnanakaw?

Iyan po ang magiging tingin sa ating ng mga dayuhan at hindi ang mga magaganda nating tourist destinations. Kaya hindi po simpleng pagnanakaw ang ginawa ng mga tauhan diyan sa NAIA. Sinasabotahe nila maging ang ating turismo at ekonomiya. Ang pinakamalala ay pinagmumukha tayong lugar ng mga magnanakaw at manloloko.

Sana lang ay talagang may managot sa pangyayaring ito sa NAIA. Dahil sukang-suka na po tayo sa mga ganitong problema dahil hindi poi to simpleng pagnanakaw sa mga turista. Ito po ay pagdungis sa imahe ng ating bansa, sa imahe nating lahat.

AUTHOR PROFILE