Default Thumbnail

Ang ‘Oplan Delta’ ng CPP-NPA

July 1, 2021 Paul M. Gutierrez 492 views

PaulMAGRERETIRO na pala sa serbisyo sa militar si Southern Luzon (Solcom) area commander, Lt. General Antonio ‘Jun’ Parlade, na kung tawagin natin ay “the military official the communists love to hate.”

Higit isang taon din pala sa puwesto bilang Solcom area commander si Gen. Jun P na naitala sa kanyang ibabakanteng posisyon noon Enero 2020.

Sa nabasa natin, epektibo na ang pagreretiro ni Gen. Jun ngayon Hulyo 16, 2021, kung saan ang kanyang magiging kapalit ay ang ‘Medal of Valor’ awardee at “Living Legend” na si M/Gen. Bob Bacarro, na una nating nakilala noong isa pa lang siyang “Batcomm” (battalion commander) sa 202ND ‘Unifier’ Brigade, Second Infantry Division, na nakabase sa Rizal province noong panahon nina Gen. Delfin Bangit (2nd ID chief) at ‘Brother’ Gen. Jorge Segovia (brigade commander).

At kung may katagalan na rin na hindi naririnig si Gen. Jun P sa himpapawid bilang tagapagsalita rin ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), eh, noon pa palang isang buwan, nagbitiw na rin siya bilang task force spokesman.

Kung inaakala naman ng mga komunista at mga prente nilang organisasyon na ‘welcome news’ ang pormal na pagreretiro ni Gen. Jun P sa serbisyo-publiko, eh, mukhang ‘wrong mistake’ ang selebrasyon nila?

Sinusulat natin ito, hindi pa malinaw kung ano ang balak pa sa buhay ng matikas na opisyal. Bagaman, sinabi na rin niya na hindi nagtatapos ang kanyang “pakikibaka” laban sa mga teroristang grupo katulad ng CPP-NPA sa pagreretiro niya sa serbisyo.

And freed from the constraint of government, wika nga, eh, baka mas “sumakit ang ulo” sa kanya ng CPP-NPA? Tingnan natin.

***

Bagaman pa rin, naniniwala tayong hindi pa rin “libre” sa iniutos ni CPP founder, Jose Maria Sison, na “paghihiganti” ng mga komunista laban sa mga “hebigat” nilang kritiko si Gen. Jun P.

Dangan kasi, nalaman natin na may ikinasa na palang ‘Operation Delta’ ang CPP-NPA na ang layunin, simula ngayon, ay maniktik at kumalap ng impormasyon kay Gen. Jun P at iba pang opisyales ng NTF-ELCAC.

Hindi na rin bago ito dahil noon pang isang taon, ibinisto na mismo ni DILG Secretary Ed Año ang plano ng CPP-NPA na ‘intelligence gathering’ sa mga opisyal ng gobyerno kung saan magkasama pa nga sila sa “listahan” ni Gen. Jun.

Ang kaibahan nga lang, iniutos na ng CPP, sa ilalim ng Oplan Delta na gamitin ang buong makinarya ng partido, partikular na ang mga prenteng organisasyon nito, upang makakalap ng ‘reliable intelligence’ laban sa mga matatas na lider ng ating gobyerno.

At siyempre pa, hindi kumakalap ng ‘info’ at ‘intel’ ang CPP para lang gamitin sa propaganda at pang-iintriga, hindi ba mga kabayan?

Bagkus, natitiyak nating “ipapasa” nila ang mahahalagang impormasyon sa ‘special death squad’ ng CPP na walang iba kundi ang ‘Special Operations Group’ ng New People’s Army (SOG-NPA)/

Partikular kay Gen. Jun, natitiyak nating sobra ang “sama ng loob” at galit sa kanya ng CPP dahil sa pagkapaslang noon lang Mayo 21,2021, sa Sta. Rosa City, Laguna, ng SOG regional commander para sa buong Calabarzon at dalawa pa nitong kasamahan.

Kumbaga, may “utang na dugo” (blood debt”) si Gen. Jun sa CPP-NPA kaya asahan na ang kanilang madugong “resbak.”

Abangan natin ang mga susunod na kabanata.

AUTHOR PROFILE