Bamboo

Alaga ni Coach Bamboo, ‘The Voice Kids’ Season 5 grand champ

May 22, 2023 Ian F. Fariñas 356 views

Nakuha ni Coach Bamboo ang pangalawang championship nang hirangin ang Kiddie Pop Rockstar ng Laguna na si Shane Bernabe bilang grand champion ng The Voice Kids Season 5 noong Linggo (Mayo 21).

Nakatanggap si Shane ng 51.05% pinagsamang online na mga boto noong Sabado (Mayo 20) at Linggo (Mayo 21), na naging dahilan upang siya ang young artist na umangat sa iba. Bilang grand champion, nakatanggap si Shane ng P1 million cash prize at recording at management contract sa Universal Music Group Philippines.

“Sinabi ko po sa kanila na kahit sino po ‘yung manalo, winner na po talaga kami at winner na rin po kami sa family namin,” pagbabahagi ni Shane. Nais rin daw niyang maka-collaborate ulit si coach Bamboo.

Sa live na grand finals, kinanta ni Shane ang Somewhere Over The Rainbow kasama si Bamboo para sa Duet with Coach at pinabilib ang mga manonood sa pag-awit niya ng Sirena para sa Upbeat Showstopper.

Para sa kanyang power ballad, bumirit siya ng Sino Ang Baliw para sa final showdown.

Samantala, pinuri naman ni Coach Bamboo si Shane sa kanyang performance sa kompetisyon.

“She’s fearless. This whole weekend, ‘yung performance niya from Somewhere Over The Rainbow to Sino Ang Baliw, it’s just the range and how difficult the pieces are. They were not simple but she chose to take the hard road, the challenging road, which I liked as a coach,” sabi nito.

Ibinahagi rin ng OPM rock icon na espesyal ang announcement kay Shane bilang grand champion dahil naroroon din sa entablado ang una niyang The Voice Kids champion na si Elha Nympha.

“It was a full circle thing to see Elha (at the venue). But of course I didn’t think of it that way. Pero it brings you back. Ilang years na rin ‘yun. So it’s special,” sabi nito.

AUTHOR PROFILE