Default Thumbnail

Aklatang may makabagong programa pararangalan

November 13, 2021 Christian D. Supnad 255 views

MALOLOS CITY – Kikilalanin ng pamahalaan panlalawigan ang mga aklatang may mga makabagong programa at serbisyo sa panahon ng pandemya kaugnay ng pagdiriwang ng ika-31 Library and Information Services Month.

Sa pangunguna ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO), pararangalan ang Bulacan State University na napiling nanalo ng unang gantimpala bilang 2020 Most Innovative Library Program and Services for the New Normal.

Sumunod naman ang Gaya-Gaya Elementary School Library, ikalawang gantimpala; Muzon National High School Library, ikatlong gantimpala; at tatlong consolation prizes kabilang ang Bagong Buhay Elementary School Library, Plaridel Municipal Library at Baliwag Municipal Library.

Tatanggap ang mga nagawagi ng tropeyo at perang insentibo na P10,000, P7,500, P5,000 at P3,000 bawat isa ayon sa pagkakasunud-sunod.

Sinabi ni Eliseo dela Cruz, ang hepe ng PHACTO, pinagbatayan sa pagpili ang 50 porsyento para sa inobasyon, 30 porsyento para sa epekto at 20 porsyento para sa pagiging maparaan, kung saan sila ay nagsumite ng endorsement letter, dalawang pahinang kasaysayan ng aklatan, paglalarawan na may mga larawan ng aklatan sa bagong normal at tatlong minutong audio visual presentation.

Nakatakda ring isabay ang pagpaparangal para sa mga nagwagi sa 2019 inclusive, innovative, interconnected library programs and services na saklaw ang mga buwan mula Marso hanggang Disyembre 2019.

Kabilang sa mga pararangalan ang Bulacan State University, grand winner; Sapang Palay National High School-Senior High School Library, unang karangalang banggit; Gaya-Gaya Elementary School Library, ikalawang karangalang banggit; Plaridel Municipal Library, ikatlong karangalang banggit; at consolation prizes para sa Baliwag Polytechnic College Library, Assemblywoman Felicita G. Bernardo Memorial Trade School Poncher Library at Bagong Buhay Elementary School Library.

Tatanggap sila ng tropeyo at perang insentibo na nagkakahalaga ng P30,000, P20,000, P15,000, P10,000 at P5,000 ayon sa pagkakabanggit.

Pinili ang mga nagwagi ayon sa programa ng aklatan, 65 porsyento; serbisyo ng aklatan, 10 porsyento; Bulacañana collection, 15 porsyento; at pakikilahok sa mga programa ng panlalawigang aklatan, 10 porsyento, na nakita sa kanilang mga isinumiteng dokumento.

Sinabi naman ni Gobernador Daniel Fernando na iniingatan ng mga aklatan gaya ng mga museo ang kasaysayan at pamana ng lalawigan na mahalaga upang maikintal ang pagmamahal sa sariling kultura, kasaysayan, kapaligiran at sa lalawigan.