Default Thumbnail

A PROSPEROUS NEW YEAR SA LAHAT!

December 27, 2023 Vic Reyes 158 views

Vic ReyesBAGO mag-Pasko,Disyembre 19, isang male claimant ng parcel na galing ng Estados Unidos ang inaresto ng mga otoridad sa Cavite.

Ang laman pala ng parcel na dumating sa Port of Clark sa Pampanga noong Disyembre 17 ay shabu na nagkakahalaga ng P56 milyon.

Ang suspek ay inaresto ng mga government operatives habang nagsasagawa sila ng “controlled delivery operation” sa nasabing lugar.

Sinabi ni Port of Clark (POC) District Collector Erastus Sandino Austria na ang shipment ay idineklarang naglalaman ng “dry food.”

Dahil may derogatory information laban sa shipment, idinaan ito sa isang “rigorous x-ray screening” at “K9 sniffing.”

Sinabi ni Collector Austria na “both x-ray screening and K9 sniffing indicated the possible presence of illegal drugs in the shipment.”

Kaya ito ay binuksan. Dito na nakita na may laman pala itong shabu na nakasilid sa walong “brown heat-sealed plastic bags.”

Pagkatapos ng isang chemical laboratory analysis sa substance na nakuha sa mga plastic bag ay nakumpirma ng PDEA na ito nga’y metamphethamine chloride.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang substance ay dangerous drugs.

Ang delivery operations ay isinagawa ng BOC sa tulong ng PDEA, CAIDTF, XIP, ESS at Customs Intelligence and Invesigation Service.

Ayon sa balita, ang nasabing anti-drug operation sa probinsiya ng Cavite ang siyang “biggest narcotics operation ng BOC sa taong ito.”

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, determinado ang ahensya na pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga illegal na produkto.

Ito ay pagsunod sa utos na Pangulong Marcos na gawin ang lahat para ma-protektahan ang kalusugan ng mamamayang Pilipino.

Hindi lang kasi illegal na droga ang pumapasok sa Pilipinas. Nandiyan pa ang mga pagkain na hindi dumadaaan sa tamang proseso.

Mabuti na lang laging alerto ang mga tauhan ng BOC sa iba’t ibang ports of entry sa buong bansa.

****

Mabuti at sapat ang suplay ng pagkain sa bansa sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ito ay ayon sa gobyerno sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA).

Ang DA ay nagsasagawa ng round-the-clock monitoring ng mga pagkain at ibang bilihin sa mga pampubliko at pribadong pamilihan sa bansa, lalo na sa Metropolitan Manila.

Magkasamang nag-iikot sa mga palengke ang mga field personnel ng DA at Department of Trade and Industry.

Kasama rin ang mga opisyal at empleyado ng iba’t ibang local government units. (LGUs).

Gusto rin ng gobyerno na manatiling stable ang presyo ng mga bilihin hindi lang sa Metropolitan Manila kundi sa buong Pilipinas.

****

Sana hindi na madagdagan ang bilang ng mga nasasaktan dahil sa mga sumasabog na paputok.

Mahigpit dapat na ipatupad ng mga pulis at local government authorities ang ban sa pagpapaputok ng rebentador sa labas ng mga “firecracker zone.”

Kailangan bantayang maigi ang pagbebenta ng mga iligal at depektibong paputok at pailaw.

Salubungin natin ang bagong taon sa pamamagitan ng ibang paraan na walang masasaktan.

A PROSPEROUS NEW YEAR SA ATING LAHAT!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/ email: Tingnannatin08gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE