Default Thumbnail

Huwag din puro angal!

March 17, 2023 Allan L. Encarnacion 239 views

Allan EncarnacionKAKAIBA ang inflation rate sa Argentina.

Dito sa atin, kapag sumipa na 15% ang inflation, baka magkaroon na ng public unrest. Sa ngayon, manageable pa sa 8.6% ang inabot ng pagtaas ng mga bilihin dahil maagap naman ang gobyerno sa pagkontrol.

Hindi ko alam kung paanong inabot ng 100% increase ang inflation rate sa Argentina kaya nakamasid ngayon ang mundo kung ano ang mga magiging development sa bansang ito.

Sabi ng isang ginang na na-interview ng media: “Heto, miserable na kami, hindi na kami makabili ng pagkain dahil sa sobrang mahal, lagi lang kaming binobola ng mga pulitiko rito.”

Wala talagang maipapaliwanag ang gobyerno kapag nangyari ang ganitong senaryo. Paano ba madaling ipaliwanag ang 100% inflation rate?

Isipin nyong mabuti, kung ang isang de lata ng sardinas na ang halaga ngayon P22, bukas pagkagising natin ay P44 na. Iyon ang ibig sabihin ng isang daang porsiyento ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Pero kapag nangyari ito sa sardinas, sasabay dito ang lahat ng bilihin mula karayom, mantika, bigas hanggang gasolina.

Idagdag mo pa ang epekto nito sa serbisyo. Halimbawa, magpapa-vulcanize ka ng gulong, iyong dating P150 ay biglang magiging P300 na or iyong gupit na P450 ay magiging P800 na. Iyong gupit masa na dating P60 ay magiging P120.

Ang mas mabigat sa mabilis na inflation rate ay ang stagnant or hindi naman gumagalaw ang minimum wage tulad ng nangyayari sa Argentina.

Kaya nga tulungan din natin ang mga nasa gobyerno natin na maaayos nilang mapahalaan ang ating bansa para hindi tayo umabot sa sitwasyon ng Argentina or Sri Lanka.

Huwag tayong puro angal, let’s do our share, bayad tayo ng buwis, maglinis tayo ng paligid, gawin nating mabuting tao ang ating mga anak para mabawasan ang sakit ng ulo ng gobyerno.

***

Isa pang bansa na nagwawala ang mga tao ay sa France.

Kahit saan ka ngayon tumingin sa Paris, lalo na sa paligid ng Eiffel Tower, puro bundok na ng basura. Ito ang paraan ng kanilang protesta.

Nagpoprotesta ang mga tao doon dahil naman sa batas na pipirmahan ni Macron na magpapalawig ng dalawang taon sa kanilang retirement age. Mula sa kasalukuyang 57, gagawin nang 59 years old ang retirement age sa France.

Dito sa atin, ang retirement ng mga pulis at sundalo ay 56, ang mga kawani sa gobyerno ay 65 at ang mga huwes ay 70. Iyong mga pulis at sundalo ay mga panukalang itaas ang retirement age dahil masyado naman daw itong bata. Pero wala naman tayong naririnig na nagwawala or nagwewelga marami ngang pabor na kawal sa panukalang ito.

Maraming uniformed personel ang natutuwa sa panukalang extension ng kanilang retirement.

Para sa mga Frances naman, nasa bingit nga naman ang pension nila kapag napalawig pa ng dalawang taon ang kanilang pagreretiro.

Iba-iba rin talaga ang appreciation ng mga tao sa isyu ng retirement. Sa isang banda, maganda rin naman ang early age retirement para matikman mo naman ang pinaghirapan mo sa mahabang panahon. Mahirap din iyong uugud-ugod ka na, kumakayod ka pa!

[email protected]