PAGASA

9 na lugar palung-palo sa heat index noong Abril 8

April 8, 2024 Melnie Ragasa-limena 91 views

SIYAM na lugar sa Pilipinas ang pumalo sa “danger level” ang heat index, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kabilang dito ang Daet, Camarines Norte, 46°C; Cotabato City, Maguindanao, 44°C; Aparri, Cagayan, 43°C; Tuguegarao City, Cagayan, 42°C; San Jose, Occidental Mindoro, 42°C; Puerto Princesa City, Palawan, 42°C; Aborlan, Palawan, 42°C; Pili, Camarines Sur, 42°C; at Roxas City, Capiz na umabot sa 42°C ang naramdamang init.

Sa ganitong level ng init, posibleng magkaroon ng heat stroke kung saan makakaranas ng matinding pagbabawis, pakiramdam ng pagkapagod, pagkahilo, pagsusuka, at mabilis na tibok na puso.

Sakaling makaranas nito, dapat nang bigyan ng first aid ang pasyente.

Agad dalhin ang biktima sa malilim na lugar, iposisyon ang dalawang binti pataas at painumin ng malamig na tubig.

Alisin ang damit kung maaari at punasan ng malamig ng tubig.

Makakatulong din ang paglalagay ng yelo sa kanyang kilikili, bukong-bukong, singit at pulso. Dalhin din ang pasyente sa ospital.

Nitong Linggo, naitala ang pinakamataas na heat index sa Daet, Camarines Norte na 46°C.

Kaya naman nagsuspinde na ang Department of Education (DepEd) ng klase sa lahat ng pampublikong paaralan noong Lunes.