Default Thumbnail

765 alagang hayop nabakunahan sa ‘Oplan Alis Rabies’

March 23, 2023 Edd Reyes 230 views

UMABOT sa 765 na alagang hayop ang nabakunahan sa pagpapatuloy ng programang pagbabakuna sa mga hayop na inorganisa ni Manila Vice Mayor Yul Servo Nieto na may kaugnayan sa “Buwan ng Kamalayan sa Rabies” ngayong Marso na nakabatay sa Republic Act 9482.

Sa inilunsad na programang “Oplan Alis Rabies,” sinabi ni Vice Mayor Yul Servo Nieto na ang buwan ng kamalayan sa rabies ng Marso ay nagtatapos sa isang ligtas na Lungsod ng Maynila laban sa mapanganib na sakit na maaaring makuha sa laway ng mga infected o hindi bakunadong hayop na alaga sa bahay na nagiging sanhi ng pamamaga ng utak.

“If left without proper medical care, rabies could be fatal,” pahayag pa ni Vice Mayor Nieto.

Ang naturang programa, ayon pa sa bise alkalde, ay nagsimula noong Marso 8, 2023 sa Sampaloc, Maynila, kung saan 250 mga alagang hayop ang nabakunahan na sinundan noong Marso 15 sa Barangay 454 sa naturan ding distrito na umabot naman sa 215 ang nabakunahan.

Nito lamang Miyerkules, isinagawa ng grupo ng bise alkalde sa Barangay 522 ang pagbabakuna sa may 300 alagang hayop habang ang pinakahuling barangay na pagdarausan ng susunod na pagbabakuna sa Marso 29 ay inaalam pa ng grupo.

Sa mga residente naman at sa mga nag-aalaga ng hayop na nagnanais magkaroon ng kalinawan sa programa, maaari silang makipag-ugnayan kay Joan Basemayor, assistant district manager of District 4, at RJ Fuentes sa kanilang tanggapan sa 1721 Quiricada St. kanto ng Sulu St., sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Vice Mayor Nieto, ang naturang programa na kanyang inorganisa, sa suporta at koordinasyon na rin ng Manila Veterinary Inspection Board (VIB), ay libreng nagbabakuna ng anumang laki o lahi ng mga aso at pusa tulad ng Shitzu, Dobberman, German Shepherd, Biegel at kahit na “Askal” o asong-gala, pati na rin ng Siamese cats at iba pang kahalintulad nito.

AUTHOR PROFILE