Default Thumbnail

4 na ‘tirador’ tiklo sa pagsusunog ng kable

March 23, 2023 Edd Reyes 234 views

NALAGLAG sa kamay ng pulisya ang apat na “propesyunal” umanong mga “tirador” ng mga kable ng kuryente at Internet matapos mahuling nagsusunog ng mga cable wire sa madamong lugar sa Valenzuela City.

Sa ulat na ipinarating ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, Jr, kay Northern Police District (NPD) Director P/Gen. Ponce Rogelio Penones, Jr. kumpleto sa kagamitan, sasakyan, at uniporme ang apat na nadakip na suspek na pawang mga naninirahan sa Barangay Malinta, sa naturang lungsod.

Napag-alaman na nadakip ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 sa pangunguna ni P/Capt. Doddie Aguirre ang mga suspek sa aktong binabalatan at sinusunog ang mga copper wire sa madamong bahagi ng Gitnang Tangke Street sa nabanggit na barangay Miyerkules ng hapon.

Sinabi ni Aguirre na tinangka pang magsitakas ng mga nahuling suspek nang matunugan ang pagdating ng mga pulis na dahilan upang kumalat at apoy at lumikha ng sunog sa damuhan na mabilis namang naapula ng mga nagrespondeng tauhan ng Valenzuela Bureau of Fire Protection (BFP).

Nang isailalim sa pagrerekisa ng mga pulis ang mga nahuling suspek, nakuha sa tatlong suspek ang tinatayang 1.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200.

Sinabi ni Destura na nakuha rin sa grupo ng mga suspek ang kumpletong kagamitan sa pagpuputol ng kable tulad ng ginagamit ng mga lehitimong wiremen ng telepono at Internet na kumpanya kabilang ang safety shoes, safety helmets, iba’t-ibang uri ng pamputol ng kable, mga pekeng dokumento na may logo ng kompanya ng telepono at isang putting Suzuki mini van na ginagamit nila sa ilegal na operasyon.

Sa isang sertipikasyon na ipinadala ng kumpanyang nabiktima ng grupo, nilalaman dito ang bilang ng mga nanakaw sa kanilang copper cable sa Pangulo Road, Martin St. Bgy. Panghulo sa Malabon City na may kabuuang halagang P150,078.56 na naging sanhi ng pagkaputol ng serbisyo ng Internet sa naturang lugar.

AUTHOR PROFILE