Default Thumbnail

6 ex-NPA rebs sumuko sa Aurora

May 17, 2023 Steve A. Gosuico 236 views

FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija – Anim na umano’y dating rebeldeng New People’s Army (NPA) ang sumuko bitbit ang kanilang sandata’t bala sa mga militar na nakatalaga sa Baler, Aurora, ayon sa isang ulat dito sa kampo.

Iniulat ng 7th Infantry “Kaugnay” Division (ID) na nakabase dito na isang dating miyembro ng Sub-Guerrilla Unit ng Komiteng Probinsiya-Isabela (SGU-KomProb-Isabela) at limang miyembro ng Renewed Strength Dinadiawan Association na dating mga rebelde ang sumuko dala ang kanilang mga baril at bala sa 91st Infantry Battalion (91IB), sa Bgy. Calabuanan nitong Sabado, Mayo 13.

Kinilala ang sumukong dating miyembro ng SGU-KomProb-Isabela na si alyas “Enok,” residente ng Bgy. Lawang, Dilasag, Aurora na nagturn-over sa militar ng isang M653 at M16 rifle, dalawang magazine, at mga bala.

Ang limang iba pang personalidad na sumuko ay mula sa Purok 1, Bgy. Dinadiawan, Dipaculao, Aurora. Ibinigay nila sa mga awtoridad ang mga improvised pistol, revolver pistol, isang homemade shotgun, limang magazine, at iba’t-ibang bala.

Pinuri ni Maj. Gen. Andrew Costelo, 7th ID chief, ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng 91IB sa mga dating rebelde sa kani-kanilang lugar na nagresulta sa matagumpay na operasyon ng mga awtoridad.

Binigyang-diin ng heneral na ang patuloy na pagsuko ng mga natitirang miyembro ng “Communist Terrorist Groups” (CTGs) sa Aurora ay nangangahulugan na naging mabisa ang pagpapaigting ng pagpapatupad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pambansang pamahalaan upang hikayatin ang mga dating rebelde na bumalik sa batas at mamuhay katulad ng isang normal na mamamayan.

“Nang dahil sa pagsisikap ng ating mga sundalo na kumbinsehin ang mga natitirang miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob, nagkaroon ng pagkakataon si alyas ‘Enok’ at limang iba pa na ipakita ang kanilang [intensiyon] na makipagtulungan sa mga programang pangkapayapaan ng gobyerno. Lubos naming tinatanggap ang kanilang desisyon na iwan ang teroristang grupo at bigyan ng pagkakataon ang kanilang sarili at pamilya na mamuhay nang tahimik at malaya,” dagdag ni Costelo.

AUTHOR PROFILE