NPA RETREAT NA, SURRENDER PA–Tuwang-tuwa ang Nueva Ecija police sa pagsuko ng limang dating rebelde sa tatlong bayan ng lalawigan.

5 ex-NPAs sa Nueva Ecija sumuko

March 10, 2024 Steve A. Gosuico 77 views

GUIMBA, Nueva Ecija–Sumuko ang limang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) noong Biyernes sa mga awtoridad sa bayang ito at sa Aliaga at Gabaldon, Nueva Ecija.

Naunang sumuko si Alyas Ka Noli, 53, magsasaka, ng Bgy. Manggang Marikit. Dati siyang miyembro ng Bagong Hukbong Bayan ng NPA sa ilalim ng kanilang lider na si Freddie Daileg mula 1998 hanggang 2004.

Isinuko din ni Alyas Ka Noli ang isang shotgun. Sa Aliaga, sumuko si Alyas Ka Lucy, 65, ng Bgy. Eustacio.

Ayon kay First Provincial Mobile Force Company chief Lt. Col. Cornelio Ordanza, dating kaanib sa Underground Mass Organization (UGMO) sa ilalim ng Pambansang Katipunan ng mga Magsasaka (PKM) at Alyansang Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) si Ka Lucy.

Sa Brgy. Ligaya, Gabaldon sumuko alas-2:20 ng hapon sina Alyas Mark, 54, Alyas Oliver, 56, at isa pang 46-anyos na dating rebelde na pawang mga dating miyembro ng Alyansa ng Mamamayang Nagkakaisa (ALMANA) na na-recruit ng mga lider ng grupo na sina Arnie Gallardo at Tom Guevarra noong 2015.

Kasunod ng pormal na pag-alis ng suporta ng mga dating rebelde, ipinamahagi din sa kanila ang mga food packs sa nasabing aktibidad.

Sinabi ni Nueva Ecija police chief Col. Richard V. Caballero na maaaring makakuha ng cash incentives at livelihood assistance si Alias Ka Noli sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integrated Program (E-CLIP) ng pamahalaan.

Idinagdag ni Caballero na resulta ang pagsuko ng lima ng pinaigting na kampanyang inilunsad ng Police Regional Office 3 sa ilalim ni Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr. na wakasan terorismo sa Central Luzon.

AUTHOR PROFILE