Default Thumbnail

3 timbog sa baril, bala sa Balayan, Rodriguez

April 26, 2023 Jojo C. Magsombol 343 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Tiklo ang isang wanted na miyembro ng criminal group matapos mahulihan ng baril na walang kaukulang dokumento at bala habang gumagala sa Bgy. Duhatan, Balayan, Batangas, Martes ng hapon.

Sa report na tinanggap ni PRO (Police Regional Office) Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Regional Director P/Brig. Gen. Carlito Gaces mula kay Batangas police director P/Col. Pedro D. Soliba, ang suspek ay miyembro diumano ng “Esguerra Criminal Group” na dinakma dakong 4:40 ng hapon, Abril 25 ng magkasanib na grupo ng kapulisan na pinangunahan ng Provincial Intlligence Unit-Batangas Police Provincial Office (PIU-BPPO) kasama ang mga operatiba ng Balayan at Lian Municipal Police Stations (MPSs) nang magsagawa ng isang operasyon laban sa suspek.

Nakita ng operating team ang suspek na may sukbit na baril sa kanyang baywang habang pagala-gala sa nabanggit na lugar at mabilis na inaresto.

Isang Matchgrade cal. 45 pistol na may serial number kasama ang isang magazine na puno ng pitong bala ang narekober ng mga otoridad mula sa suspek.

Wala umanong maipakitang legal na dokumento ng sandata ang suspek, ayon sa mga pulis.

Samantala, naaresto naman sa bayan ng Rodriguez, Rizal ang isang teenager na lalaki at babae na kabilang umano sa sinasabing grupo ng mga kabataan na namamato ng mga dumaraang dump truck sa kalye ng Bgy. San Isidro, Rodriguez, madaling araw ng Miyerkules.

Nang dumating ang mga nagrespondeng mga barangay opisyal sa lugar ay mabilis na nagtakbuhan ang mga grupo at dalawa ang nadakip.

Nakumpiska sa kanila ang dalawang homemade steel pipe handguns na kargado ng bala, ayon sa mga pulis.

AUTHOR PROFILE