Santiago

216 na-hospital dahil sa food poisoning sa Agusan del Sur

February 20, 2024 Zaida I. Delos Reyes 146 views

AABOT sa 216 katao ang isinugod sa pagamutan matapos nmalason sa packed lunch na inihanda ng Philippine Red Cross (PRC) para sa programang Disaster Response Food Truck Hot Meals program sa mga biktima ng pagbaha sa Esperanza, Agusan del Sur.

Kaugnay nito, iniutos na ni Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr. sa humanitarian organization na itigil ang kanilang hot food truck program habang gumugulong ang imbestigasyhon sa insidente.

Ayon kay Provincial Health Officer, Dr. Jacqueline Frances Momville, nakayanan naman umano ng kanilang munisipyo at hospital ang agad na rumesponde upang mabigyan ng paunang lunas ang mga bitktima.

Sa ngayon aniya , iniiwasan nila ang ang magsalita sa kung sino ang dapat sisihin sa insidente dahil ang kanilang pinagtutuunan ng pansin ay kung paano nila agad maaksyunan at maililigtas ang mga biktima.

Ang mga biktima ay pawang mga biktima ng pagbaha sa Barangay Tandang Sora , Esperanza na tumanggap ng “packed lunch” na naglalaman ng itlog, atay at kanin.

Matapos kainin ang pack lunch ay nakaranas na ng panankit ng tiyan pagsusuka, pagtatae, panghihina at hirap sa paghinga ang mga biktima kaya’t isinugod ang mga ito sa pagamutan.

Ayon sa isinagawang initial assessment ng Esperanza MDRRMO, ang packed lunch ay inihanda ng alas 3:00 ng madaling araw sa Disaster Response Food Truck.

Sa datos na inilabas ng MDRRMO Esperanza ang mga biktima ay isinugod sa Esperanza Medical Community Hospital, Bayugan Community Hospital at D.O Plaza Memorial Hospital.

Limang rescue vehicles mula sa MDRRMO ng Esperanza ang nagdala sa mga biktima sa pagamutan para agad na masuri at maisailalim sa laboratory examination.

Nagpa-abot din ng tulong ng LGU ng Bayugan City sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at tubig na maiinom ng mga biktima.

Nilinaw naman ni Darwina Ligan, administrator ng Philippine Red Cross Agusan Del Sur Chapter na sa ngayon ay hindi pa tiyak kung saan nalason ang mga biktima dahil wala pang resulta ang isinagawang pagsusuri sa sample ng pagkain.

Patuloy pang pinag-aaralan ang insidente at inaalam na rin kung paano inihanda ang ipinamahaging pagkain upang matiyak kung kontaminado nga ito at posibleng maging dahilan ng pagkalason ng mga biktima.