Default Thumbnail

2 tinaga dahil malakas magpatugtog ng radyo!

March 6, 2023 People's Tonight 451 views

DALAWANG welder ang tinaga umano ng kapwa nila welder dahil sa umano’y malakas na pagpapatugtog ng radyo ng madaling araw sa kanilang barracks sa Malate,Manila.

Ang insidente ay naganap sa Balagtas Street, sakop ng Barangay 719, Malate, Lunes ng umaga.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, Manila Police District- Malate Police Station 9 Commander, ang mga biktimang sina Joseph Araza, 45, tubong Babatnun, Tacloban City at isang Louie Salan, 40, tubong Barangay Kalalacan, Piket, North Cotabato at stay- in welder sa 121 Balagtas Street, Malate.

Nakatakas umano ang suspek na nakilalang si Mariano Casañada, nasa hustong edad at kababayan ni Araza

Base sa ulat ng kapulisan ng MPD Malate, bandang 8:50 a.m. nang makatanggap sila ng tawag mula sa Bagong Ospital ng Maynila , hinggil sa ginawang pananaga ng suspek sa dalawang biktima.

Agad namang nagtungo ang mga otoridad na sina Police Corporal Cayabyab at PCpl.Liza Mabini sa naturang ospital para magsagawa ng imbestigasyon sa nangyaring pananaga.

Dito nakitang may mga tama ng taga sa bandang leeg si Araza. Si Salan naman ay napuruhan ng taga sa ulo.

Nag-ugat ang awayan ng magkabilang panig habang nag-iinuman at nagpapatugtog ng radyo ng malakas ang mga biktima Linggo ng gabi.

Naingayan si Casañada kung kaya’t sinaway niya ang mga biktima na diumano’y hindi siya pinansin at pinagpatuloy ang malakas na pagpapatugtog ng radyo.

Hindi na ito pinansin pa ng suspek , pero kinabukasan , umaga ng Lunes nang bigla na lamang tagain ni Casañada ang dalawa

Mabilis namang naisinugod ang mga biktima na kanilang ibang kasamahan at nalapatan ng lunas. Nasa ligtas na silang kalagayan.

AUTHOR PROFILE