Default Thumbnail

2 tiklo matapos ‘mambastos’ ng kababaihan sa Navotas

June 11, 2022 Edd Reyes 233 views

NAKATAGPO ng katapat ang dalawang lalaking “mapanghusga” sa kapwa nang ipadakip ng apat na babaing kanilang binastos madaling araw ng Sabado sa Navotas City.

Himas-rehas ngayon ang mga suspek makaraang ireklamo ng apat na kababaihan na kanilang napagkamalanag “pok-pok” matapos tanungin kung magkano ang mga ito.

Sa ulat ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) kay Navotas Police chief P/Col. Dexter Ollaging, naglalakad sa kahabaan ng M. Naval St. sa Bgy. Sipac-Almacen ang apat na magkakaibigan na nasa edad mula 21 hanggang 28, dalawa rito ay propesyunal na nagtapos sa kolehiyo, dakong alas-12 ng hatinggabi nang madaanan nila ang mga suspek sa tapat ng isang bantog na fast food chain.

Tinanong umano ng isa sa mga suspek ang mga kababaihan ng makahulugang kataga na kung magkano sila na labis na ikinabigla ng isa sa apat kaya’t kinompronta niya ang lalaking nagtanong na umano’y halatang lasing.

Sa halip na humingi ng paumahin, muling inulit ng suspek kung magkano sila at sa pangambang gawan sila ng masama, ipinasiya na lamang ng apat na sundan ng palihim ang paglalakad ng mga ito.

Nagkataong nagpapatrolya sa lugar sina Emelito Postrero at Wilbredo Espinocilla, kapwa barangay tanod ng Bgy. Sipac-Almacen, kaya’t sa kanila na humingi ng tulong ang apat na babae na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.

Ayon kay Col. Ollaging, mahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 11313 o ang Safe Spaces Act ang mga suspek dahil ginawa nila sa mga nagreklamong kababaihan.

AUTHOR PROFILE