Tansingco

2 Pinay pinilit magdroga, makipagsex sa Malaysia

June 30, 2023 Jun I. Legaspi 572 views

PILIT kaming pinagdodroga at pinaiinom ng alak tsaka kami pwersahang pinag-perform ng ‘sexual act’ sa mga customers.” Ito ang mapait na kuwento ng isa sa dalawang biktima ng human trafficking galing ng Malaysia, bago sila nasagip ng mga awtoridad sa kamay ng mga sindikato ng human traffickers.

Ang dalawang biktima ay kinilala ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na sina alias Shiela, 29, at Michelle, 21. Sila ay parehong biktima ng sindikato ng human smuggling.

Si Shiela ay dumating sa bansa noong June 21 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, samantalang si Michelle ay dumating noong June 26.

Ayon kay Tansingco, si Michelle ay pinangakuan na magtrabaho bilang waitress at susuwelduhan ng P40,000 kada buwan.

Ayon kay Shiela, na-recruit siya sa pamamagitan ng Facebook sa mga pangakong magtatrabaho siya bilang waitress. Pagdating niya sa Malaysia ay pinilit na siyang maging sex worker para mabayaran daw nito ang gastos ng recruiter nito na nagkakahalagang P150,000.

Ayon sa biktima, bumiyahe sila gamit ang motorboat at wala silang dinaanang mga immigration checkpoint para sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.

Kaugnay nito, mariing nagbabala si Tansingco na dapat lahat ng gustong magtrabaho sa ibang bansa ay dumaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers upang makaiwas sa mga ganitong karanasan.

Ayon kay Tansingco, iniimbestigahan na ang insidente at tinutulungan na rin ang dalawang biktima ng Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking.

AUTHOR PROFILE