Fire

2 paslit na-trap sa sunog, dedo

September 13, 2023 Jonjon Reyes 379 views

PATAY ang dalawang paslit matapos ma-trap sa naganap na sunog sa isang residential area sa Raxabago Street, Tondo, Maynila, nitong Martes ng hapon.

Sa inisyal na ulat ng himpilan ng Manila Police District (MPD)-Jose Abad Santos Police Station 7 na isinumite sa tanggpan ng MPD Public Information Office, kinilala ang magkapatid na natagpuang magkayakap na sina Jasmine, 8-anyos, at Ara Gatus, 3-taong gulang, sa isang silid sa nasabing gusali.

Ayon sa ibinigay na sketch report ng MPD, nagsimula ang sunog alas 4:24 ng hapon ngunit idineklarang fire under control ng 4:47 at tuluyang naapula ang apoy makalipas ang ilang minuto lamang o bandang alas 5 ng hapon.

Unang sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng gusali na pag-aari ni Nicolas Gatus, isa sa kaanak ng mga biktima.

Bagamat inakyat lang sa unang alarma ang sunog at tinangkang iligtas ang mga bata, hindi na kinaya pa dahil sa kapal ng usok na bumabalot sa nasabing gusali.

Sinasabing wala umano ang mga magulang ng mga bata nang mangyari ang insidente.

Gayunpaman, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Manila upang malaman ang naging sanhi ng sunog.

AUTHOR PROFILE