Default Thumbnail

2 lalaki ginripuhan, nasa bingit ng kamatayan

October 18, 2021 Edd Reyes 482 views

DALAWANG lalaki ang nasa bingit ngayon ng kamatayan matapos pagsasaksakin sa iba’t-ibang bahagi ng katawan sa magkahiwalay na lugar Linggo ng gabi at Lunes ng madaling araw sa Malabon City.

Kasama ni Wilfredo Berediano, Jr. 31, ang kanyang kasintahang itinago sa pangalang Diana habang naglalakad sa kahabaan ng Villanueva St., Brgy. Tonsuya dakong ala-1:20 ng madaling araw nang harangin ng isa umanong kilalang drug addict sa lugar.

Bigla na lamang bumunot ng patalim ang suspek na nakilala sa pangalang Harvey Dave De Leon, 20, residente sa naturang lugar at kaagad inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima sa harap ng kanyang nagimbal na kasintahan.

Bagama’t sugatan, nakatakbo at nakahingi pa ng tulong ang biktima sa pulisya na nagdala sa kanya sa Tondo Medical Center habang nakatakas naman ang suspek matapos ang pananaksak.

Dakong alas-9 p.m. naman ng Linggo nang pagsasaksakin ng isang Jay-ar Ladia, 26, ng 9-2 Espiritu St. Brgy. Tinajeros ang kapitbahay na si Gomer Damot, 32 matapos ang mainitan nilang pagtatalo.

Sa nakarating na ulat kay P/Col Albert Barot, hepe ng Malabon police, kainuman ng biktima ang kanyang tiyuhin nang lumabas sila ng bahay upang bumili pa ng alak nang mapatingin si Damot sa suspek na nakikipag-inuman din sa isang kaibigan.

Tinanong ng suspek si Damot kung ano ang kanyang problema, na sinagot din ng patanong ni Damot kung masosolusyunan ito ni Ladia kung sasabihin niya, na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Tinangkang awatin ang dalawa subalit biglang bumunot ng patalim si Ladia at inundayan ng sunod-sunod na saksak sa katawan ang kapitbahay bago mabilis na tumakas, dala ang ginamit na patalim.

Isinugod ng kanyang tiyuhin si Damot sa Tondo Medical Center kung saan patuloy pa rin siyang ino-obserbahan matapos isailalim sa operasyon.

AUTHOR PROFILE