Default Thumbnail

2 huli sa pagdadala ng baril sa Caloocan

June 21, 2022 Edd Reyes 296 views

DALAWA katao ang naaresto ng pulisya matapos mahuling may bitbit na baril Martes ng gabi sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan City.

Dakong alas-11:20 ng gabi nang makatanggap ng tawag sa telepono ang mga tauhan ni P/Maj. Rengie Deimos ng District Special Operation Unit (DSOU) hinggil sa lalaking gumagala habang may bitbit na baril sa kahabaan ng Lapu-Lapu St. sa Bgy. 12.

Kaagad na inatasan ni Maj. Deimos ang kanyang mga tauhan at inabutan pa ang suspek na residente sa naturang barangay, habang bitbit ang isang sumpak na may kargang isang 12-gauge na bala na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nauna rito, bandang alas-6 ng gabi nang matiyempuhan ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina ang isang lalaking may kahina-hinalang kilos sa Bgy. 143, Bagong Barrio.

Nang kapkapan, nakuha sa lalaking suspek na nakatira sa Bgy. 144 ang isang kalibre .9mm na pistola at limang piraso ng bala.

Walang maipakitang dokumento ang suspek na magpapatunay na lisensiyado at may permiso siya sa pagdadala ng baril kaya’t isinailalim siya sa pag-aresto ng pulisya.

Ang dalawa ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.

AUTHOR PROFILE