Default Thumbnail

2 holdaper, Akyat Bahay timbog sa Makati, Pasay

February 26, 2022 Edd Reyes 355 views

NADAKIP ng pulisya sa isinagawang “Oplan-Galugad” ang dalawang holdaper at isang miyembro ng “Akyat-Bahay” gang Sabado ng madaling araw sa magkahiwalay na lugar sa mga lungsod ng Makati at Pasay.

Dakong alas-2 ng madaling araw nang mahuli ng mga tauhan ng Makati Police Ayala Sub-Station sa follow-up operation sina Robin Cahez, 30, at 15-anyos niyang kasama na itinago lang sa alyas “Boysan” matapos nilang holdapin ang 25-anyos na si John Carlos Mariano sa Bgy. San Lorenzo.

Kaagad na nakahingi ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Ayala Police Sub-Station na nagsasagawa ng Oplan Galugad na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek sa kanto ng Urban at Amorsolo Sts. Legaspi Village, Bgy. San Lorenzo.

Nakumpiska ng pulisya kay Cahez ang isang replica ng kalibre .38 revolver na gamit sa panghoholdap habang balisong naman ang nakuha sa kasabuwat niyang binatilyo.

Nauna rito, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang mahuli ng mga tauhan ng Pasay Police Intelligence Section ang isa sa dalawang kilabot na akyat-bahay na Ricky Helario, alyas “Bochok” 28, sa kahabaan ng Lim-An St. Bgy. 4 Zone 2 sa naturang lungsod habang pinaplano nilang pasukin ang isang malaking bahay sa naturang lugar.

Sa natanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Jimili Macaraeg, may nagbigay ng impormasyon ang pulisya sa plano ng mga suspek kaya’t kaagad silang nagtungo sa lugar at doon ay namataan ang mga suspek na wala pang suot na face mask.

Nang matunugan ng dalawa ang pagdating ng mga pulis, kaagad tumakbo sa magkahiwalay na direksiyon na nagresulta sa pagkakadakip kay Helario habang nakatakas naman ang kanyang kasama.

Isang kalibre .38 baril na may limang bala ang nakuha sa suspek na positibong kinilala ng mga residente sa lugar na kilabot na miyembro ng grupong Akyat Bahay.

AUTHOR PROFILE