Default Thumbnail

2 basurero sinaksak lalaking nanita, tiklo

April 17, 2023 Melnie Ragasa-limena 154 views

ARESTADO ang dalawang basurero matapos umanong pagtulungang saksakin ang isang lalaki na sumita sa kanila dahil sa pagsusunog ng tanso nitong Linggo ng gabi sa Quezon City.

Nahaharap sa kasong attempted homicide ang mga suspek na kabilang ang isang babae.

Patuloy namang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center ang biktima, 56, matapos magtamo ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa tapat ng isang junkshop sa Cambridge Street, Barangay E. Rodriguez bandang 7:40 ng gabi.

Kasalukuyang sinusunog umano ng mga suspek ang nakolekta nila na copper wires nang lapitan sila ng biktima.

Nagalit umano ang mga suspek nang sabihin ng biktima na bawal ang ginagawa nilang pagsusunog ng tanso.

Nang makaalis ang biktima ay bigla itong sinundan ng lalaking suspek at sinaksak ng ilang beses sa katawan gamit ang isang kutsilyo.

Hindi pa nakuntento ay hinwakan pa ng babaeng suspek ang suot na damit ng biktima upang hindi ito makatakbo.

Nagawa naman ng biktima na makatakas at agad na humingi ng tulong sa barangay public safety officers na siyang umaresto sa mga suspek.