Default Thumbnail

2 bangkay iniluwa ng ilog sa Kyusi

January 7, 2023 Melnie Ragasa-limena 217 views

DALAWANG bangkay ng hindi pa nakikilalang mga lalaki na kapwa may mga sugat at pasa katawan ang natagpuang lumulutang sa ilog sa Barangay Talayan, Quezon City, Sabado ng umaga.

Inilarawan ang unang naiahon na bangkay na nasa edad 35-40, may taas na 5’2″, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng gray shorts, at may mga tattoo na “Badboy,”; “196,”; “BNG,”; “TST,”; at “Angel” sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Habang ang ikalawang bangkay naman na natagpuan ay nasa pagitan ng 35-40, may taas na 5’2”, medium built, nakasuot ng black shorts at shirt, at may mga tattoo ng imahe ng “demonyo” sa batok.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 4:50 at 6:00 ng umaga (Enero 7), nang matagpuan ang mga bangkay ng biktima na lumulutang sa ilog sa ilalim ng tulay ng Del Monte Avenue, Barangay Talayan, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Police Corporal Jordan A. Barbado ng CIDU, bago natagpuan ang mga bangkay ng biktima, ay walang tigil ang malakas na pag-ulan na nagsimula dakong 2:00 hanggang 4:00 ng hapon, nitong Biyernes, Enero 6, dahilan upang tumaas ang tubig-baha sa lugar.

Nang humupa ang tubig-baha, bandang 4:50 ng madaling araw, habang nangunguha ng mga kalakal ang isang basurero ay napansin nito ang bangkay ng unang biktima na lumulutang sa ilog kaya agad niya itong inireport sa mga awtoridad.

Makalipas lamang ang dalawang oras, ay napansin din ng nasabing basurero ang ikalawang biktima na nakalutang sa ilog, tatlong metro ang layo mula sa lugar kung saan natagpuan ang unang bangkay.

Batay sa isinagawang cursory examination ng QCPD Forensic Unit na pinamumunuan ni P/Capt. John O Agtarap, kapwa may malalalim na mga sugat at pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung nalunod o sadyang pinatay at itinapon sa ilog ang mga biktima.