DMW

1st batch ng interim workers nasa South Korea na

March 1, 2024 Jun I. Legaspi 165 views

NAKAALIS na papuntang South Korea ang unang batch ng mga farm workers sa tulong ng Department of Migrant Workers-Regional Office 3 (DMW-RO3) sa ilalim ng “Interim Pipeline Processing” procedure.

Layunin ng procedure na ito na maglaan ng mga probisyon at garantiya para sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawang nakapaloob sa programang Seasonal Work Program ng mga local government units (LGUs) ng Pilipinas sa South Korea.

Natapos ng mga manggagawa ang mandatory Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) at nabigyan ng DMW ng kanilang Special Exit Clearance upang sila’y makaalis patungong South Korea.

Ipinaalala ng DMW sa mga seasonal farm workers na nagnanais sumailalim sa programang SWP na walang babayaran na recruitment fee sa naturang programa.

Kung mayroon mang naningil sa kanila ng nasabing “recruitment fee,” dapat isumbong sa DMW Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) sa kanilang Facebook page https://www.facebook.com/dmwairtip.

Samantala, inaasahan ng DMW na may ilan pang-batch ng mga seasonal farm workers na tutulak patungong South Korea na may dagdag proteksyon sa kanilang mga karapatan bilang manggagawa katulad ng kontrata, maayos na living at working conditions, insurance at welfare coverage bilang mga miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration.

AUTHOR PROFILE