X-Ray machines, malaking tulong sa BoC
DAPAT dagdagan ng Bureau of Customs (BoC) ang bilang ng x-ray machines sa lahat ng ports of entry sa bung bansa.
Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kagamitang ito para mapabilis ang paglabas ng mga kargamento at mapigilan ang pagpasok ng mga kontrabando.
Lalo na ang mga ipinagbabawal na gamot, na kagaya ng shabu, kush marijuana at ecstasy, na galing kung saan-saang bansa.
Ito nga lang nakaraang Enero 2 ay may dumating na shipment sa Port of Clark sa Pampanga na kinakitaan ng isang “suspicious image” pagkatapos na idaan sa x-ray scanning.
Ang shipment, na galing ng Bangkok, Thailand, ay naglalaman daw ng “microserver double stainless ceramic.”
Pero nang isalang ito sa physical examination ay may nakitang apat na stainless sport jugs na may lamang white crystalline substances na nakabalot sa plastic at aluminum foil.
Pagkatapos ng clinical laboratory analysis ay napatunayan ng mga taga-Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang white crystalline substances ay mga shabu pala.
Dito na nagsagawa ng joint controlled delivery operations ang Port of Clark, Port of NAIA at PDEA sa Pasay City na nagresulta sa pagkakahuli ng dalawang claimants.
Nananatiling alerto ang mga tauhan ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz upang hindi makapasok sa bansa ang mga kontrabando na kagaya ng droga at agricultural products.
Huli pa more, mga bossing!
Magsasagawa pala ng imbestigasyon, in aid of legislation, ang House committee on ways and means sa “rampant smuggling” diumano ng produktong agricultura sa Port of Subic, Zambales.
Ito ay pagkatapos na makasakote ang mga otoridad ng milyun-milyong pisong halaga ng mga puslit na produkto sa freeport.
Ang nakapagtataka lang, bakit kailangang isalang sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Port of Subic, gayong hinuli na nga nila ang mga iligal na kargamento. Bukod dyan, kabi-kabila nga ang ginagawa nilang pagsakote sa mga illegal shipments na dumarating sa nasabing puwerto.
Nakapanglulumo naman na sa kabila ng mga pagsakote at mataas na collection input ng PoS ay isasalang pa sa imbestigasyon ang mga opisyal nito.
Maging sa mga datos ay makikita kung gaano kalaki ang iniangat ng koleksiyon ng Port of Subic.
Kadalasan, kapag ganyang nasasalang sa imbestigasyon ang isang collection district, natatakot na ang mga importer na magparating ng kargamento dahil sa takot na masangkot o mapagbintangan na “smuggler.”
Para sa kaalaman ng butihing kongresista, Hindi madali ang kumumbinse ng mga mamumuhunan na magparating ng kanilang kargamento sa isang puwerto.
Kaya asahan na natin ang paglagapak ng koleksiyon ng Port of Subic.
Tsk tsk tsk….
***
Talagang napakahilig nating Pilipino sa eleksyon.
Kahit saan ka magpunta, inaabangan ng tao ay ang desisyon ng Korte Suprema sa postponement ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Atat na atat na silang magka-eleksyon para mawala na ang mga sinasabi nilang mga tamad, abusado at walang kwentang opisyal ng barangay.
Pero sa iba ay mas mahalagang makitang may mga politiko at lokal na government official na makulong dahil sa pakikialam sa barangay at SK elections.
Alam naman ng lahat na ang dalawang halalan ay “non-partisan” at hindi dapat makialam ang mga politiko.
Pero lantarang nakikialam ang mga politiko sa barangay elections dahil ang gusto nila ay makontrol ang mga opisyal ng barangay at SK para sa kanilang mga interest.
Naniniwala tayo na hindi na papayagan ito nina Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Tama ba kami, Sir George?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawagvo mag-text sa 0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)