Default Thumbnail

What shabu raid?

April 18, 2023 Paul M. Gutierrez 258 views

PaulMALAKING “mantsa” hindi lang kay outgoing Chief PNP Rodolfo ‘Jun’ Azurin ang inilabas na ‘cctv footage’ ni DILG Secretary Benhur Abalos nitong Abril 11, 2023 hinggil sa nangyaring ‘drug bust’ sa Maynila noong Oktubre 8, 2022 na kinasasangkutan umano ni PMsgt. Rodolfo ‘Jun’ Mayo.

At sa ganang atin, tama, wasto at nasa matinong pag-iisip si SILG Benhur nang soplahin niya ang PNP sa paliwanag, na “walang cover-up” sa nasabing operasyon. Anang kalhim: ‘the video is the evidence,’ tumpak!

Kahit naman kasi “kamoteng” pulis o reporter ang makapanood sa kabuuan ng video, eh isa lang ang tanong: may nangyayari nga bang ‘anti-drug operation’ sa panahon na ‘yun samantalang sa simula hanggang katapusan ng video clip WALANG nakamarkang ‘Police Line,’ napansin ba ninyo?

Kaya sa impresyon ng kahit sinong miron na dumaraan sa lugar, walang nangyayaring police operation! At kung meron nga, malinaw din sa video na hindi ito patungkol sa paghuli sa iligal na droga dahil sa kahabaan ng footage, makikitang may ginagawang sariling senaryo ang mga pulis!

Kaya paano sasabihin ng PNP na ‘legitimate anti-drug operation’ ang ginagawa nila ng araw na “hinuli” umano nila si Mayo?

Kitang-kita rin na ilang mga nakalagay sa kahon na halatang mabigat ang laman ang inilagay sa ilang sasakyan na pagkaraan ay lumabas na mga shabu rin na nakuha naman umano sa ‘follow-up operation.’

Ayon pa sa ilang matataas na police officials natin, ‘demoralized’ ang hanay ng PNP sa sinabi ni Sec. Benhur na ‘coverup’ sa nasabing drug bust.

Owws, talaga? Baka naman mga Ninja Cops lang at mga protektor nilang opisyal ang demoralized? Dahil ang ilang mga middle-ranking policemen na nakakausap natin, aba’y “tuwang-tuwa” pa sila, Chief PNP Azurin dahil “sa wakas” daw ay nahuhubaran na ang mga “kriminal” at “protektor” ng mga iligalista sa hanay ng kanilang mataaas na opisyal, peks man!

Oh well, wika nga, ang ‘redeeming value’ na lang sa mga sinabi Chief PNP Azurin ay ang kanyang “payo” kay PBBM na “piliing mabuti” ang ipapalit sa kanya sa kanyang pagreretiro ngayong buwan.

***

Kung “binabagyo” ngayon ng kontrobersiya ang PNP dahil sa salot ng iligal na droga, hindi malayong masabit na rin sa kontrobersiya, DOJ Secretary Boying Remulla, itong Bureau of Immigration (BI) sa ilalim naman ni Comm. Norman ‘Tapwe’ Tansingco.

Ang siste kasi, nagiging “mainit” na raw kasi sa ilang stakeholders at kahit na sa midya itong isang opisyal.

Kung titingnan daw ang kanyang estilo aba’y masasabi mong “nakapakasipag” niyang opisyal 8 a.m. – 8 p.m. ang kanyang pagtatrabaho!

Aber, sa sobrang sipag, wala na nga siyang panahon makihalubilo pa sa iba at kahit mga miyembro ng midya, hindi na rin siya makausap!

Basta raw pumasok na ito sa BI, diretso na ito sa kanyang opisina at nakatutok na sa kanyang trabaho ‘until after office hours’ sabi pa ng mga miron.

Abangan!

AUTHOR PROFILE