Kraft

WALANG PAMI-PAMI SA PAGPATAY SA TAGA-NZ!

February 24, 2023 Edd Reyes 315 views

Suspek sa pagpatay sa taga-NZ isinuko ng pamilya

MATAPOS maisapubliko ang pagkakakilanlan sa pumaslang sa dayuhang New Zealander kamakailan sa Makati City, isinuko ng kaniyang pamilya sa pulisya ang pangunahing suspek na itinuro ng mga testigo Biyernes ng madaling araw

Sa pahayag ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft, dakong ala-1:11 ng madaling araw nang ipasiya ng pamilya ni John Mar Manalo, 25, na isuko siya sa pulisya matapos silang mag-alok ng kalahating milyong pisong pabuya para sa kaniyang ikadarakip nitong Huwebes ng hapon.

Mariing itinanggi ni Manalo na sangkot siya sa pamamaslang sa New Zealander na si Nicholas Peter Stacey na binaril at napatay noong Linggo ng madaling araw, Pebrero 19, sa Filmore St., Bgy. Palanan, Makati City, nang tangkaing manlaban sa holdaper na nambiktima sa kanila ng kasintahang si Pamela Villononoza, 31.

Sa kabila ng pagtanggi ni Manalo, inaresto pa rin siya ng pinagsanib na tauhan ng District Special Operation Unit, District Intelligence Division, District Mobile Force Battalion ng SPD, Taguig at Parañaque police sa lugar kung saan siya isinuko ng pamilya, sa Hill Crest Drive malapit sa Jardin De Rosal Hotel sa Bgy. Oranbo, Pasig City.

Ayon kay Kraft, ang pagsasailalim sa pagdakip kay Manalo ay bunga ng kinakaharap niyang warrant of arrest na inilabas ni Malolos City Regional Trial Court Judge Elenita N.E. Macatangay-Alviar ng Branch 12 sa kasong robbery with violence.

Nauna nang kinilala ng mga testigo, kabilang ang kasintahan ng napaslang na dayuhan, si Manalo, na umano’y bumaril sa biktima matapos kilalanin sa mga larawan ng mga nasangkot na sa panghoholdap na ipinakita sa kanila ng pulisya.

Bigo naman ang mga testigong makilala ang kasabuwat ng gunman na nagmamaneho ng gamit nilang motorsiklo dahil nakasuot umano ito ng helmet at face mask.

AUTHOR PROFILE