Vilma, Boyet, Piolo, Pokwang, Uge at Enchong, pasok sa MMFF 2023… entries ginawang 10 imbes na walo
SAMPUNG pelikula imbes sa nakagawiang walo ang magbabakbakan bilang official entries sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong Disyembre.
Ito ang napagdesisyunan at inanunsiyo ng pamunuan ng MMFF execom, sa pangunguna ni MMDA Chief Atty. Don Artes, sa announcement preskon na ginanap sa MMDA headquarters kahapon.
Star-studded pa ring maituturing ang line-up dahil bukod sa unang apat na entries nina Marian Rivera at Dingdong Dantes (Rewind), Sharon Cuneta at Alden Richards (Family of Two), Derek Ramsay at Beauty Gonzalez (KAmpon) at Matteo Guidicelli (Penduko), eh, pasok din ang Mallari ni Piolo Pascual, When I Met You in Tokyo nina Christopher de Leon at Vilma Santos, Becky and Badette nina Eugene Domingo at Pokwang, Firefly ni Alessandra de Rossi, Broken Heart’s Trip ni Christian Bables at Gomburza ni Enchong Dee.
Paliwanag ni Chairman Artes, sobrang dikit ang naging labanan ng 4th, 5th at 6th placers na pare-pareho ang nakuhang grado mula sa MMFF screening committee.
Kaya naman nag-decide sila na gawin nang anim ang dapat sana’y final four entries lang sa taunang pestibal.
Bale 30 finished movies nga ang nag-submit ng intention to participate ngayong 2023, kabilang na ang mga nalaglag na pelikula nina Nora Aunor, Maricel Soriano, atbp.
Ayon sa head ng screening committee, ang dating film producer na si Jesse Ejercito, hindi sila nagbase sa quality lang kundi sa nakuhang score ng movie sa screening body.
Nananatili pa rin daw ang ruling ng MMFF na tig-dalawa lang ang pwedeng pumasok sa bawat genre at bawal din ang double entry ng iisang artista.
Ibinigay niyang halimbawa ang kaso ni Piolo na nasa Mallari na pero nasa Gomburza pa.
Aniya, ang main entry ni Piolo ay ang Mentorque production habang special participation lamang ito sa Enchong-starrer.
Anyway, sinabi ni Chairman Artes na sisikapin nilang makipagtulungan sa cinema owners para magkaroon ng special rate ang festival movies nang sa ganu’n ay mas marami ang makapanood ng mga ito sa Pasko.
Sa ngayon, wala pang ibinigay na target gross ang MMFF pero siniguro ni Chairman Artes na lalagpas ito sa P500M noong nakaraang taon with 800 theaters participating and 10 entries competing.
Gaya ng nakaraang practice, equal number of theaters ang bawat entry at wala na ring first day-last day policy sa mga poor crowd drawers.
Ibinalita rin ni Chairman Artes ang debut ng MMFF sa Hollywood sa Dec. 30, 2023-Jan. 2, 2024 na may sariling red-carpet awards night.
Aniya, magandang oportunidad ito para sa Pinoy movies and artists na maka-penetrate sa international scene.
Meron na rin daw nag-manifest ng interes na dalhin ang MMFF sa Japan, Dubai, atbp. pero mas bet nilang unahin ang Hollywood para magkaroon ng pattern o template na gagamitin sa mas malawak na global distribution.
Mahaba rin ang tatakbuhin ng Parade of Stars ngayong taon dahil gaganapin ito either Dec. 16 o 17 sa Camanava area.
Magsisimula umano ang parada sa Navotas bago dumaan ng Malabon, Caloocan at hihinto sa Valenzuela People’s Park kung saan magsasagawa ng programa.
Samantala, ang Gabi ng Parangal ay gagawin sa Dec. 27.