Default Thumbnail

Umayos ka kap!

October 19, 2023 Joey C. Papa 191 views

JoeyAng ibig kong sabihin sa titulo ng ng kolum ay ‘yung mga tumatakbo ngayon sa barangay election, kung mananalo kayo, ayusin n’yo ang pagtatrabaho n’yo hanggang sa matapos ang termino n’yo.

Ipatupad n’yo sa inyong mga nasasakupang mga komunidad ang mga batas pangkalikasan na dapat naman n’yong ginagawa talaga.

Halimbawa ay ang Maka-Kalikasang Pamamahala ng mga tira-tirang bagay na nagiging basura o ang RA 9003. Aminado naman ang pamahalaan na ang unang numero unong dahilan ng pagbaha sa mga kalunsuran ngayon ay ang sandamakmak na mga nabubulok na basura na itinatapon sa mga lansangan, sapa, ilog at dagat.

Ikalawang numero unong dahilan ng pagbabaha ay ang iligal na pagpuputol ng mga puno sa ating kabundukan at ang patuloy na quarrying at pagbabasag ng ating kabundukan upang kunin ang mga mineral nito.

Ang pagpapanatili ng kaayusan sa mga barangay ay trabaho n’yo rin. Huwag payagan ang ILLEGAL PARKING at ILLEGAL GARAGING ng mga sasakyan sa mga kalsada lalo na ‘yung mga barangay roads. Ang mga kalsada ay pag-aari ng estado at hindi ng sinumang Lucifer!.

Ang kalsada ay daanan ng mga sasakyan upang mapanatili ang maluwag na daloy ng trapiko lalo na sa mga emergency cases tulod ng sunog. Maraming ulat na kaya lumaki ang sunog ay dahil sa pinasikip ng mga mga ILIGAL NA NAKAGARAHE sa mga kalsada kaya barado ang dadaanan ng mga trak ng bumbero.

Manguna kayo sa pagpapanatili ng kaaayusan at kalinisan ng inyong mga nasasakupang komunidad. Huwag kayong manguna sa pagdudumi at pagkakagulo sa barangay!

Sinasabi ko ito dahil iilan lamang barangay ang nagsagawa halimbawa ng maka-kalikasang pamamahala ng mga tira-tirang bagay na nagiging basura. Sa mga nagpapatupad ng batas na ito, SALAMAT at SALUDO ako sa inyo.

Sa mga hindi nagsagawa nito, at tumatakbo ngayong eleksyon, nawa’y repasuhin ng mga residente ang inyong kabuuang performance kung mayron man at matalinong MAGPASIYA.

Uulitin ko ang pananaw ko na wala na dapat ‘yang pamahalaang barangay. Duplication lamang ito. Dagdag gastos pa! Tumatakbo rin naman ang mga pinuno ng barangay sa kanilang city hall kapag mayroon silang kailangang ipatupad sa barangay at nangangailangan ng isang ordinansa. Mga tauhan lang sila ng city hall.

Magtatag na lang ng mga Homeowners Association (HOA) kahit sa mga barangay residents na hindi naman nakatira sa mga private subdivision. Sa tingin ko’y higit na magiging maayos ang patakbo ng HOA dahil parang people’s organization ang magiging palakad nito. Mawawala ang korapsyon dahil may karapatan ang bawat isang kasapi ng HOA na magsiyasat at subaybayan ang kanilang mga nagiging gastusin.

Mayroon naman akong alam na isang Punong Barangay na ipinahahatak niya ang mga sasakyan na PUMAPARADA o GUMAGARAHE sa mga kalsada ng kanyang nasasakupang barangay. Tuloy-tuloy ito at sumusunod naman ang mga residente sa kanyang patakaran. SALUDO ako sa ‘yo Kap!

Determinasyon lang naman ang kailangan. Takot ‘yung ibang ipatupad ang batas pantrapiko dahil baka daw mawalan sila ng boto. Bakit ang matinong Punong Barangay na nagpapahatak ng mga sasakyang iligal na nakaparada at nakagarahe sa kanilang barangay ay maraming ulit nang nahalal?

Ang mahirap kasi, kahit sino ay puwede nang puwedeng tumakbong pinuno ng barangay basta siya ay isang Pilipino at matagal nang residente ng Pilipinas.

Ang tanong ay maka-Pilipino kaya siya mag-isip o isip-boto lang?

Umayos kayo kap!

AUTHOR PROFILE