TVJ

TVJ, nagbigay ng kundisyon sa producer ng ‘Eat Bulaga’… noontime show, posibleng lumipat sa TV5, Net25 o ABS-CBN — Tito Sen

April 29, 2023 Vinia Vivar 671 views

Nagbigay ng pahayag si Tito Sotto na malaki ang posibilidad na lumipat ang Eat Bulaga sa ibang network kung hindi maaayos ang mga problema at kung hindi tutuparin ang napag-usapan nila ng pamunuan ng TAPE (Television and Production Exponents), Inc., producer ng longest-running noontime show.

Na-interview ng mag-asawang Julius at Christine Babao si Tito Sen sa online show na Julius Babao Unlugged at dito ay isa-isa muling sinagot ng veteran TV host/comedian/public servant ang mga issue surrounding Eat Bulaga.

Diretsong tinanong ni Julius kung may ongoing talks ba between Eat Bulaga, TVJ (Tito, Vic Sotto and Joey de Leon), TAPE, Inc. at TV5 at diretso ring sinagot ni Tito Sen ng “yes” without elaborating.

Sumunod na tanong sa kanya ay kung posible ba na lumipat ang Eat Bulaga sa TV5.

“Kung tulad ng sinabi ko kanina, kung hindi maiaayos ‘yung kasalukuyang sitwasyon at hindi matutupad ang mga pinag-uusapan, eh, malaki ang posibilidad niyan,” he said.

Isa pang rebelasyon na binitiwan ni Tito Sen ay kasama rin sa pag-uusap ang ABS-CBN at magiging collaboration ito ng dalawang network.

Asked kung may Net25 din ba sa usapan, ani Tito Sen, “Yes. ‘Yung Net25, as early as two weeks ago, pinag-uusapan na namin. Pero napag-uusapan lang, wala namang concrete. Kumbaga sa ano, the door is open.”

Ayon pa kay Tito Sen, nagkaroon na sila ng pag-uusap ng TAPE, Inc. at hindi sila pumapayag sa mga gustong baguhin ng management.

As we all know, ang nagma-manage na ngayon ng TAPE, Inc. ay si Romeo Jalosjos at ang kanyang mga anak. Hindi na si Tony Tuviera.

“Mayroon silang mga gustong gawin sa programa. Ang sabi namin, ‘hindi basta pwede ‘yan, hindi ganyan kadali ‘yan.’ At saka hindi madali ‘yung basta magtatanggal ka ng tao, may mga gusto kang ipalit, ‘yung mga gusto mong ipalit, eh, walang karanasan du’n sa amin. So, papaanong gagawin natin?

“So, nag-counter kami. Actually, nakadalawang balikan kami ng counter, eh. Sa pangalawang balikan ng counter, umoo na sila. Kami naman, nagbigay dahil nalulugi raw, in debt, ‘ikang ganu’n.

“So, pumayag kami na across the board. Gusto nila mag-10 percent lower muna sa mga empleyado and pagdating ng December, magkakaroon ng assessment kung nakabawi na.

“In the meantime, parang magkakaroon muna ng hulugan ‘yung utang kay Vic at kay Joey at du’n sa iba pang mga sales na may utang sila,” pahayag ni Tito Sen.

Pero bigla nga raw may nagpa-interview na miyembro ng korporasyon at ayon kay Tito Sen, mali ang mga sinabi nito sa totoong nangyayari kaya naman nagdesisyon sila nina Vic and Joey na sumagot at siya nga ang nahilingan na humarap sa media.

Matatandaang nagpa-interview si Dapitan Mayor at TAPE, Inc. Chief Finance Officer Bullet Jalosjos last week sa Fast Talk with Boy Abunda at sinagot ang mga issue tungkol sa TAPE, Inc. at sa Bulaga.

Ayon kay Tito Sen, basta ang kundisyon nilang tatlo (TVJ) para manatili sila sa EB ay tuparin ang napag-usapan dahil kung hindi ito matutupad ay may posibilidad talaga na umalis sila sa TAPE, Inc. at dadalhin nila ang EB at ang buong production team, pati na ang buong Dabarkads, kung saan man sila pupunta.

Giit niya, nasa TVJ ang copyright ng title na Eat Bulaga kaya puwede nila itong dalhin kahit saang istasyon.

AUTHOR PROFILE